NAGLAAN ang gobyerno ng Estados Unidos ng P3 billion (USD 60 million) na foreign assistance sa Pilipinas, itinuturing na unang anunsyo sa alinmang bansa mula nang itigil ng Estados Unidos ang karamihan sa foreign aid commitments nito noong Enero.
Sa katunayan, tiniyak ng US Embassy sa Maynila na ang pagpopondo, idinaan sa US Department of State, ay susuporta sa mga programa sa enerhiya, maritime security, at paglago ng ekonomiya sa Pilipinas.
Ang aid announcement ay ginawa matapos ang pagpupulong sa pagitan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at US Secretary of State Marco Rubio sa Washington, DC, nito lamang Hulyo 21.
“This is the US government’s first announcement of new foreign assistance for any country since the Trump Administration began its review and realignment of foreign assistance in January,” ang sinabi ng embahada sa isang kalatas.
Samantala, inanunsyo ng State Department ang intensyon nito na makatrabaho ang US Congress para maglaan ng P825 million (USD15 million) ng kabuuang pondo “to catalyze private sector development” sa Luzon Economic Corridor (LEC).
Kapag naaprubahan, ito ay susuporta sa mga pamumuhunan sa transportasyon, logistik, enerhiya at semiconductors sa Luzon.
Sa kabilang dako, inilunsad naman ng Pilipinas, Estados Unidos at Japan ang LEC noong April 2024 para suportahan ang pag-unlad sa Luzon, kasama ang Subic-Clark-Manila-Batangas (SCMB) Cargo Railway bilang flagship project nito. (CHRISTIAN DALE)
