TANONG ito ng Makabayan bloc sa mababang kapulungan ng Kongreso dahil halos isang beses kada linggo na lamang umano kung magpakita sa publiko si Pangulong Rodrigo na ginagawa pa sa
pamamagitan ng pagpapalabas ng recorded video.
Ginawa ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang katanungan sa virtual press conference nitong Biyernes dahil hindi umano biro ang pag-amin ng Pangulo na lumalala ang kanyang barret esophagus at malapit nang mauwi sa stage 1 cancer.
“Sa usapin na ‘yan (kalusugan ni Duterte) seryosohin. Hindi ho biro-biro ang sitwasyon ng kalagayan ni Presidente. Kailangang malaman natin yan dahil nasa isang matinding krisis na tayo ngayon. Sinasabi nga, dapat malinaw [kung] sino ang nagtitimon dahil lumalabas ngayon walang malinaw na nagtitimon sa [gobyerno] dito sa matinding krisis na ito,” ani Zarate.
Bago inamin ni Duterte ang kanyang kalagayan ay kumalat muna ang mga espekulasyon na mayroon siyang iniindang sakit kaya bihirang magpakita sa publiko.
Ilang linggo nang nananatili sa Davao City si Duterte kaya lalong lumakas ang panawagan na isiwalat ang totoong kalagayan ng kanyang kalusugan.
Sinabi ni Zarate na hindi kayang gampanan ng isang lider ng bansa ang kanyang tungkulin sa bayan habang may iniindang sakit. Inihalimbawa nito si Japan Prime Minister Shinzo Abe na nag-resign dahil sa kalagayan umano ng kanyang kalusugan.
Ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat, ginagawang mangmang ni Presidential Spokesman Harry Roque ang taumbayan hinggil sa kalagayan ng kalusugan ni Duterte.
Ginawa ni Cullamat ang pahayag matapos sabihin ni Roque na ang payo ng doktor kay Duterte na itigil ang pag-inom ng alak dahil posibleng mauwi sa stage 1 cancer ang sakit nito ay matagal na gayung umanin na ang kanyang amo sa iniinda nitong sakit. (BERNARD TAGUINOD)
170