NABABAHALA si Magsasaka party-list Representative Argel Cabatbat sa pagbaba ng pondo ng Department of Agriculture (DA) dahil sa halip na dagdagan ng Department of Budget and
Management ay tinapyasan pa.
Nabatid na base sa isinumiteng budget ng Department of Budget and Management para sa taong 2021, kapansin-pansin ang pagbaba ng pondong planong ilaan sa DA.
“Hindi dapat binababaan ng budget ang sektor ng agrikultura sa panahong palubog ang ekonomiya, maraming nawalan at patuloy na nawawalan ng trabaho at milyun-milyon ang nagugutom na mga Pilipino,” pahayag ni Rep. Cabatbat.
Inulit ni Cabatbat ang panawagan ni Pangulong Duterte sa ikalimang SONA nito na kailangan ng sapat, accessible at abot-kayang pagkain para sa bawat pamilyang Filipino at kailangang pagtuunan ng pansin ng buong gobyerno ang food security aspect upang tunay na maayos muli ang kalagayan ng bansa.
Binigyang diin ng mambabatas na nararapat unahin ang pagkain dahil magkakaugnay ang sikmura, ang kalusugan, at ang ekonomiya – mas madaling dapuan ng karamdaman ang mga walang sapat na nutrisyon at resistensiya, at lubhang hindi makapagtatrabaho ang mga gutom, may sakit, at mahihina.
Bukod dito, mismong Pangulo aniya ang nagsabi na mas madaling tuparin ang “Plant, Plant, Plant” program, kaysa sa imprastraktura na “Build, Build, Build.”
“Nananawagan ako sa lahat ng mga kasama natin sa Kamara at sa buong administrasyon na ayusin at bigyan ng mas mataas na alokasyon sa national budget ang ating hanay. Malaking pahirap ang pagbaba ng budget hindi lamang sa ating mga magsasaka, kundi sa ating mga kababayan na sa gitna ng kawalan ng hanapbuhay ay magkakaroon lamang ng sapat at murang pagkain kung may suporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura,” ayon sa mambabatas. (CESAR BARQUILLA)
481