Solon nangangamba sa inaprubahang prangkisa ng Dito CHINA PASOK NA SA TELECOM INDUSTRY NG PINAS

NABABAHALA si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa inaprubahang 25-year franchise ng Dito Telecommunity dahil nangangahulugan na papasukin na ng China ang telecommunication industry sa bansa sa gitna ng lumalalang tensyon sa West Philippine Sea (WPS).

Reaksyon ito ng mambabatas matapos aprubahan ng House committee on legislative franchise ang 25 years franchise ng nasabing kumpanya na magsisilbing third player sa telecom industry sa Pilipinas.

Sa botong 240 pabor at 7 tumutol na kinabibilangan ng mga militanteng mambabatas, walang kahirap-hirap na pinagtibay sa plenaryo ng Kamara ang prangkisa ng Dito Telecommunity.

“Alan nyo ang wino-worry natin dyan [ay] papasukin ang China dahil ang 40% ng pagmamay-ari ang mga Tsino,” ani Brosas gayung ang nasabing industriya ay hindi umano dapat pasukan ng ibang bansa dahil sa usapin ng seguridad.

Mayorya sa share o 60% ng nasabing kumpanya ay pag-aari ng Davao-based businessman na si Dennis Uy na nag-ambag umano sa campaign funds ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 elections habang ang 40% ay hawak naman ng China Telecommunication Company.

Ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite, tila pinipili ni Pangulong Duterte ang oligarch na kanyang binabakbakan dahil habang galit ito sa malalaking negosyante na kumokontrol sa mga industriya sa bansa ay maluwag na maluwag naman ito kay Uy.

“Malinaw na paglabag yan (prangkisa ng Dito) sa monopoly dahil kung titingnan nyo ang may-ari si Dennis Uy. ‘Yung sinasabi nilang oligarch, he falls under that category kaya hindi dapat binigyan ng prangkisa,” ani Gaite.

Isa pang ikinababahala ni Brosas ay binigyan ang mga ito ng karapatan na huwag gawing regular ang kanilang mga kukuning empleyado. (BERNARD TAGUINOD)

291

Related posts

Leave a Comment