VILLAR NABABAHALA SA PAGTAAS NG PRESYO NG LANGIS; SUPORTADO MGA HAKBANG PARA MAPAGAAN EPEKTO SA PILIPINO

IKINABABAHALA ni Senador Mark A. Villar ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at gasolina at ang magiging epekto nito sa mga pamilyang Pilipino sa buong bansa.

“Alam natin na mabigat sa bulsa ng ating mga kababayan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at krudo. Kaya mahalagang mapag-aralan kung ano pa ang maaaring gawin ng pamahalaan upang mapagaan ang epekto nito sa ating mga mamamayan, lalo na sa sektor ng agrikultura at transportasyon,” ani Villar.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, posibleng tumaas ng humigit-kumulang ₱17 hanggang ₱24 kada litro ang presyo ng langis sa mga susunod na araw habang tumutugon ang pandaigdigang merkado ng langis sa tumitinding tensyong geopolitikal.

Nagbabala rin ang Department of Agriculture na kung magpapatuloy ang paglala ng tensyon sa rehiyon ay maaari itong magdulot ng mas mataas na gastos sa gasolina, pataba at freight na makaaapekto sa sektor ng agrikultura ng bansa.

Binanggit din ni Villar ang babala ng Bangko Sentral ng Pilipinas na ang matinding pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado ay maaaring magdulot ng pagtaas ng inflation at makaapekto sa halaga ng transportasyon, kuryente at mga pangunahing bilihin.

“Lahat po tayo ay apektado dito kaya suportado po natin ang mga karagdagang polisiya o programa na maaaring ipatupad upang maprotektahan ang kapakanan ng ating mga mamamayan,” aniya.

Iginiit din ni Villar ang kanyang suporta sa mga hakbang na makatutulong upang mapatatag ang presyo ng langis, mapalakas ang seguridad sa enerhiya ng bansa at mapagaan ang epekto ng tumataas na presyo ng krudo sa mga pamilyang Pilipino.

(DANNY BACOLOD)

60

Related posts

Leave a Comment