NAGTALA ng kasaysayan sa Chooks-to-Go VisMin Pilipinas Super Cup ang Jumbo Plastic-Basilan nang durugin ang Kapatagan, 118-84, Lunes ng gabi sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.
Nalagpasan ng imakuladang Basilan (3-0) ang pinakamalaking puntos na unang naitala ng MisOr na 111 dalawang araw na ang nakalilipas, at ang 34 puntos na bentahe ang ikalawang pinakamalaking agwat mula nang maitala ng MJAS Zenith Talisay ang 38 puntos na kalamangan kontra Tubigon, 104-66 sa Visayas leg.
Mula sa 13 puntos na abante sa first half, pinalobo pa ito ng Basilan sa 30 puntos, 60-30, sa kanilang 19-2 run sa unang apat na minuto sa third period.
Pinangunahan ni Hesed Gabo ang ratsada ng Peace Riders sa kanyang 14 puntos mula sa 5-of-5 shot sa field at 3-of-3 sa free throw.
Sosyo na ang Basilan sa Clarins (3-0) sa unahan ng team standings.
Naitala naman ng Petra Cement-Roxas ang ikalawang sunod na panalo nang pabagsakin ang Iligan, 84-79.
Galing sa makapigil-hiningang 71-69 panalo mula sa buzzer-beating layup ni Lester Reyes laban sa JPS Zamboanga City, nakuha ng Roxas ang momentum tungo sa 17 puntos na bentahe sa final period.
Nanguna sa Roxas si team captain James Castro na may 17 puntos, limang rebounds at tatlong assists.
Sa ikatlong laro, nakabawi ang JPS Zamboanga nang gapiin ang MisOr, 85-75.
Humataw si Gerwin Gaco nang umiskor ng 24 puntos, habang nagdagdag si Gabby Espinas ng 14 puntos at 11 rebounds para sa JPS.
133
