Wala pang validated threat – AFP SEGURIDAD SA BARMM ELECTION PINALAKAS NG PNP

PINALAKAS ng Philippine National Police (PNP) ang inilalatag na seguridad para sa nalalapit na parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na gaganapin sa Oktubre 13.

Ayon kay acting PNP chief, Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., layunin ng PNP na tiyaking ligtas, mapayapa, at malaya ang halalan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Mula Agosto 14, nagpatupad na ang PNP ng 14,828 checkpoints na nagresulta sa 22 na naaresto at 32 nakumpiskahan ng baril dahil sa paglabag sa election gun ban.

Kasama rin sa mga hakbang ang pagsugpo sa private armed groups at pag-monitor sa loose firearms.

Aktibo rin ang koordinasyon ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), at Commission on Elections (Comelec) sa pamamagitan ng mga Regional Joint Security Control Centers upang mas epektibong matugunan ang banta at insidente, ayon kay PNP spokesperson, Brig. Gen. Randulf Tuaño, pangunahing prayoridad ang kaligtasan ng mga botante at integridad ng halalan.

Samantala, wala pang validated threat na nasasagap ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Base sa report ng Philippine Army, wala silang namo-monitor na kahit anomang banta sa ngayon.

Ayon kay Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-Ala, patuloy ang kanilang isinasagawang monitoring sa buong rehiyon katuwang ang Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies upang matiyak na magiging mapayapa ang gaganaping halalan sa Oktubre 13.

Ayon pa sa tagapagsalita, ready to deploy na rin bilang augmentation sa pulisya at suporta sa Commission on Elections (Comelec), ang 6th Infantry Division maging ang 1st Infantry Division sa araw ng eleksyon.

Layon naman nito na magkaroon at pairalin ang seguridad sa buong rehiyon upang masiguro na magiging payapa at ligtas ang buong halalan.

Samantala, patuloy naman ang pagpapatupad ng checkpoints at chokepoints sa rehiyon bilang bahagi ng kanilang regular na mandato.

(JESSE RUIZ)

32

Related posts

Leave a Comment