ABOGADO NILIKIDA SA HARAP NG BAHAY

PALAWAN – Namatay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang isang abogado matapos birahin ng hindi pa nakikilalang gunman sa harap ng kanyang bahay sa Puerto Princesa City noong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Atty. Joshua Abrina na binaril sa harapan ng bahay nito sa Barangay San Pedro bandang alas-8:00 ng gabi.

Ayon sa inisyal na pagsisiyasat ng Puerto Princesa City Police Station 2 (PS-2), kagagaling lamang ni Abrina sa isang prayer meeting at habang ibinababa ang kanyang mga gamit ay nilapitan ng gunman at saka binaril nang malapitan bago makapasok sa kanyang bahay.

Nagawa pang maitakbo sa Ace Hospital si Abrina subalit makalipas ang ilang minuto ay nalagutan ng hininga habang isinasalba ng mga manggagamot.

Patuloy ang isinasagawang follow-up investigation para kilalanin ang suspek at motibo sa pamamaslang kasabay ng isinasagawang koordinasyon sa ibang yunit ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), Puerto Princesa City Forensic Unit, at PNP Criminal Investigation and Detection Group.

(JESSE RUIZ)

42

Related posts

Leave a Comment