UPLB SA LAGUNA LALAHOK SA WALKOUT PROTEST

GAGANAPIN ngayong Biyernes ang isang walkout protest sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) upang ipanawagan ang sapat na pondo para sa edukasyon at kondenahin ang katiwalian sa gobyerno.

Inindorso ni UPLB Chancellor Jose Camacho Jr. ang protesta matapos magsumite ng kahilingan ang UP Action Los Baños na may kaugnayan sa pangyayari.

Bukod pa rito, isang hiwalay na pahayag ang inilabas ng UPLB School of Environmental Science and Management (SESAM) bilang suporta sa walkout.

Ayon sa datos, sa kabila ng P545 bilyong pondo na inilaan para sa flood control projects, patuloy na nakararanas ng matinding pagbaha ang mga komunidad.

Nakitaan ng anomalya ang mga proyekto at sinisiyasat na ng Kongreso ang posibleng korupsyon at conflict of interest.

Lumabas din ang ulat na maraming kontratista ay may kaugnayan sa pamilya ng mga politiko.

Samantala, ilang araw bago ang protesta, namataan sa labas ng UPLB ang police mobile, na binatikos ng Youth Advocates for Peace with Justice (YAPJUST) – UPLB.

Panawagan nila ang agarang pagpapatupad ng Safe Haven Resolution.

(NILOU DEL CARMEN)

 

38

Related posts

Leave a Comment