Walwal no more pati may “sumpong” ALAK IPAGBABAWAL SA EDAD 20 PABABA

(BERNARD TAGUINOD)

KUNG wala pa sa edad na bente uno, hindi pa pwede ang toma. Ito ang buod ng isang panukalang batas na inihain sa Kamara sa hangaring tiyaking hindi mapapariwara ang mga kabataan.

Sa ilalim ng House Bill 1753 (Anti-Underage Drinking Act) na inihain nina Davao City Rep. Paolo Duterte at Benguet Rep. Eric Yap, pasok din sa lalapatan ng restriksyon sa impluwensya ng alak ang mga may sakit sa pag-iisip.

Giit nina Duterte at Yap, higit na angkop ang isang batas na magbibigay proteksyon sa mga kabataang karaniwan anilang nagwawalwal sa mga inuman. Para sa kanila, dapat din ilayo ang mga taong wala pang 21-anyos sa masamang epekto ng pag-inom ng alak.

“The youth has a vital role in nation-building and it’s the duty of the state to promote and protect their physical, moral, spiritual, intellectual, and social well-being,” paliwanag sa nasabing panukala.

Kabilang rin sa probisyong saad sa ilalim ng nasabing panukala ang karampatang parusa – tatlong buwan sa likod ng malamig na rehas at multang P50,000 sa bawat paglabag.

Pasok rin sa lalapatan ng parusa ang siinumang mapapatunayang nag-udyok o nagpainom sa mahuhuling kabataang lango sa alak, kanselasyon ng lisensya ng mga establisimyentong nagbebenta ng alak sa mga kabataan.

Sa datos ng Kamara, lumalabas na abot sa 2.5 milyong indibidwal sa buong mundo ang namamatay kada taon bunsod ng karamdaman o kapahamakang sanhi ng tama ng nakalalasing na inumin.

Sa naturang bilang, malaking bahagi anila ang mga kabataang pasok sa edad 20-anyos pababa.

238

Related posts

Leave a Comment