NALAGLAG sa mga operatiba ng Manila Police District ang isang 59-anyos na wanted sa kasong attempted rape makaraang maispatan sa Dasmariñas, Cavite, iniulat ng pulisya nitong Miyerkoles.
Kinilala ang suspek na si Tirso Pacheco y Alba, nanunuluyan sa Barangay Salitran, Dasmariñas, Cavite, number 8 most wanted person sa MPD.
Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Regional Director na si National Capital Region Office, P/Major General Vicente Dupa Danao Jr., nagsagawa ng manhunt operation ang mga tauhan ni P/Lt. Col. Evangeline Cayaban, commander ng MPD-Station 5, at natunton si Pacheco sa Aguinaldo Highway sakop ng Barangay Salitran 1 sa Dasmariñas.
Sa iniutos na “Oplan Saliksik” ni MPD-District Director P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco, nahulog sa kamay ng batas ang nasabing suspek sa bisa ng warrant of arrest sa kasong attempted rape.
Samantala, pinapurihan ni General Danao ang mga tauhan ng Intelligence Unit ng Station 5 sa maayos na koordinasyon ng mga ito sa PNP-Region 4A sa pagdakip sa nasabing suspek. (RENE CRISOSTOMO)
253
