UMAASA ang liderato ng Philippine Army at pamunuan ng Western Mindanao Command (WESMINCOM) sa positibong resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry (BOI) hinggil sa pamamaril sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng apat na intel officer ng 9th Inteligence Service Unit ng AFP.
Kasunod ito ng naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tumitiyak na lalabas ang katotohanan sa likod ng naganap na pamamaril ng mga pulis sa apat na sundalo.
Sa kanyang muling pagtungo sa Mindanao, ipinangako ng Pangulong Duterte na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay nina Major Marvin Indammog, Captain Irwin Managuelod, Sergeant Jaime Velasco at Corporal Abdal Asula.
Anoman aniya ang kalabasan ng imbestigasyon, pumabor man o hindi sa militar o mga pulis, ang tiyak ay lalabas ang katotohanan at hustisya.
“I assure you that I will see to it that the truth will come out be it in favor of the police or the military. Ang hinihingi ko lang ang totoong nangyari,” pahayag ng Pangulo.
Pahayag naman sa media ni Wesmincom Chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana, mahalagang mabatid sa lalong madaling panahon ang mga rekomendasyon ng Board of Inquiry (BOI) nang sa gayon maipatupad na nila ang mga gagawing adjustment lalo na sa coordination.
Una nang inihayag ni Sobejana na base sa inisyal na report ng BOI team, lapses sa coordination ang inisyal na nakikita ng probe team na naging dahilan sa pagpatay sa apat na sundalo ng siyam na pulis.
Sinasabing kasunod ng madugong insidente ay nirebisa ng Wesmincom ang kanilang tactics, techniques and procedures bago pa binuo ang BOI.
Nabatid na may isang linggo ang BOI team para isapinal ang kanilang report, matapos makabalik ang mga ito sa Maynila mula sa Jolo, Sulu.
Isusumite ang nasabing report kina AFP chief of staff Gen. Felimon Santos at PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa.
Nabigyang diin ang anggulong lapses in coordination, ayon sa isang opisyal ng militar na tumangging magpabangit ng pangalan kasunod ng pahayag ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa na ang susi para maiwasan ang kahalintulad na insidente sa Jolo ay local coordination.
Magkakaroon umano ng joint evaluation ang AFP at PNP kung paano nila ipatutupad ang mga gagawing adjustment.
Pahayag pa ni Gamboa, kung anoman ang magiging resulta ng BOI investigation, magpapatupad sila ng adjustment sa kanilang operational policies at hihikayatin ang AFP na gawin din ito.
Muling hinarap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sundalo sa Mindanao lalo ang mga nasa Jolo, Sulu para pahupain ang kanilang galit sa nangyaring pagpatay ng siyam na pulis sa apat na sundalo. (JESSE KABEL)
125
