INAMIN ng Malakanyang na mahirap hanapin ang Western-brand vaccines laban sa coronavirus disease (COVID-19).
Ito ang tugon ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa ulat na nagpakita ng “low acceptability” o mababang pagtanggap ang Davao City sa mga Chinese-made vaccines lalo na sa Sinovac at Sinopharm.
Sa ulat, ito ang nais na iparating ni Davao Mayor Sara Duterte-Carpio sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) para sa posibleng aksyon, na sinasabing kabilang sa pagbili ng mas maraming western-made jabs ng pamahalaan.
“On behalf of IATF, sino bang may ayaw ng western brands? Ang problema lang, talagang hindi natin nakukuha ang supply,” ayon kay Sec. Roque.
“We ordered 40 million pero nakikita niyo naman they come in trickles. Ang dumarating pa, mga COVAX supply, yung mga donated. Pero yung mga binibili natin, talagang they been coming in trickles,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Ang global shortage sa vaccine supply ay umuulit lamang na problema ng bansa pagdating sa mass inoculation program laban sa COVID-19 na nagsimula noong Maro 1, 2021.
Binigyang diin ni Sec. Roque na hindi nag-iisa ang Pilipinas sa pumipila para makakuha ng western vaccines. (CHRISTIAN DALE)
