NAGSAMPA ng 28-pahinang petisyon sa Korte Suprema ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) at environmentalists, na pinangunahan ni Atty. Antonio Enrile Inton Jr., para pigilan ang paglalaan ng trilyong pondo sa flood control projects. Giit nila, dapat ayusin muna ng DPWH at kontraktor ang mga palpak na proyekto sa pamamagitan ng “back job” at panagutin ang mga sangkot sa korapsyon.
Kasama sa respondents ang Office of the President, Kongreso, DBM, DILG, DPWH, DENR, MMDA, LGUs, at mga contractor. Hinihiling ng petitioners ang massive clean-up, master plan para sa flood control, clearing at de-clogging ng mga ilog, rehabilitasyon, at pagpapatupad ng National Land Use Plan.
Unang Batch ng Reklamo sa Ombudsman
Dinagsa naman ng reklamo ang Ombudsman matapos personal na magsampa si DPWH Secretary Vince Dizon ng kasong kriminal laban sa mga opisyal ng ahensya at mga kontraktor na sangkot sa ghost at substandard flood control projects.
Kabilang sa unang batch ng mga kinasuhan ang ilang tauhan ng Bulacan 1st District Engineering Office at mga kontraktor tulad ng Wawao Builders, Syms Construction Trading, at St. Timothy Construction Corporation na pagmamay-ari ng mga Discaya.
Ayon kay Dizon, alinsunod ang hakbang na ito sa direktiba ng Pangulo na papanagutin ang lahat ng responsable sa maanomalyang proyekto ng DPWH.
(JULIET PACOT)
