HIGIT pa sa panggagalaiti ang sumambulat na sentimyento ng mga Pilipino sa social media kung saan pinutakte ng batikos ang gobyerno kaugnay ng pag-angkat ng yamang dagat mula sa ibang bansa – partikular sa China.
Sino ba naman ang matutuwa kung batid naman ng lahat ang tunay na estado.
Ang totoo, ang Pilipinas ay may 7,100 islang napalilibutan ng mayamang karagatan kabilang ang West Philippine Sea na kilala sa masaganang suplay ng yamang dagat tulad ng galunggong na planong angkatin ng gobyerno.
Sa lawak ng karagatan, pihadong labis pa sa kailangan at kayang ikonsumo ng mga Pilipino ang kayang isuplay ng mga lokal na mangingisda.
Ang problema nga lang, ang mga mangingisdang Pilipino, tumutulay sa peligro tuwing lalayag sa karagatang mistulang inangkin na ng mga Tsino, eksenang makailang ulit nang nangyari at pawang dokumentado.
Sa West Philippine Sea ay nagkalat ang mga dambuhalang Chinese fishing vessels na sukdulang ubusin ang mga yamang dagat sa ating teritoryo.
Bagama’t may mga protestang idinadaan sa tamang paraan sa pamamagitan ng hindi na mabilang na diplomatic protests na inihain ng Department of Foreign Affairs (DFA), mistulang bingi naman ang Palasyo. Dangan naman kasi mismong ang Pangulo, ipinagtatanggol ang mga Tsino.
Sa planong pag-angkat ng galunggong sa China, katwiran ni Agriculture Secretary William Dar – kailangan aniyang punuan ang kakulangan ng suplay ng isda sa mga pamilihan.
Susmaryosep! Sa lawak ng pangisdaan natin hindi tayo dapat kinakapos ng suplay ng galunggong na nais ng gobyernong angkatin sa bansang China.
Nakatatawang isiping aangkat ang gobyerno ng mga isdang huli ng mga Tsino sa atin mismong teritoryo.
Ang galing, ‘di ba?
