YEAR-END BONUS, P5K CASH GIFT NG GOV’T WORKERS LALABAS NGAYONG NOV.

MAGIGING mas masaya ang Kapaskuhan ng mga kawani ng gobyerno matapos kumpirmahin ng Department of Budget and Management (DBM) na sisimulan na ngayong Nobyembre ang pamamahagi ng 2025 year-end bonus at P5,000 cash gift.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ang hakbang na ito ay patunay ng commitment ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kilalanin ang dedikasyon at kabayanihan ng mga lingkod-bayan.

Kinumpirma naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ipalalabas ang benepisyo kasabay ng unang payroll ng Nobyembre 2025, alinsunod sa Budget Circular No. 2024-3.

“Pinapahalagahan po natin ang sipag at kahusayan ng ating mga lingkod-bayan kaya naman sinisiguro nating maibibigay sa tamang oras ang kanilang mga benepisyo,” sabi ni Pangandaman.

Para sa fiscal year 2025, naglaan ang DBM ng P63.69 bilyon para sa year-end bonus ng mga sibilyan at uniformed personnel, at P9.24 bilyon naman para sa cash gift — na mapakikinabangan ng mahigit 1.85 milyong empleyado ng gobyerno sa buong bansa.

Ang year-end bonus ay katumbas ng isang buwang basic pay “as of October 31.” Sa ilalim ng patakaran ng DBM, kwalipikado ang mga empleyadong nakapaglingkod ng hindi bababa sa apat na buwan mula Enero 1 at nananatili sa serbisyo hanggang Oktubre 31 ng taon.

Pinaalalahanan din ng DBM ang lahat ng ahensya ng gobyerno na tiyaking agarang maipamahagi ang bonus at cash gift sa kanilang mga tauhan, alinsunod sa umiiral na mga budget circular.

(CHRISTIAN DALE)

52

Related posts

Leave a Comment