YOGI LANG ANG KATAPAT!

Imbestigahan Natin Ni JOEL O. AMONGO

SA kauna-unahang pagkakataon matapos ang napakahabang panahon, nakapagtala ng higit pa sa itinakdang collection target ang lahat ng tanggapan ng Bureau of Customs sa 17 distritong saklaw ng kawanihan.

Ano nga ba ang dahilan sa ipinamalas na sigasig ng 17 district collection offices? May mga nagsasabing paandar lang dahil bago ang amo. Meron din naman naniniwalang paandar lang para hindi malaglag sa pwesto.

Ang totoo, kilala ng bawat isa sa 17 district collectors are kalibre ni Acting Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz. Mula pa 2017, nasa BOC na si Ruiz na nagsilbing hepe ng Enforcement and Security Service (ESS). Sa naturang tanggapan, pinangunahan ni Ruiz ang pangangalap ng impormasyon hinggil sa mga bulilyasong pagpasok ng mga kargamento at iligal na kontrabando. Siya rin ang susi sa likod ng mahabang talaan ng mga matagumpay na operasyon kontra smuggling.

Sa pag-upo ni Ruiz nitong buwan ng Hulyo, batid ng mga sindikato at kakuntsabang tiwali sa ahensya na magiging sakit ng ulo nila ang bagong BOC chief, lalo pa’t malalim ang karanasan nito bilang isang intelligence officer sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung saan siya nagtrabaho bago pa man napasabak sa BOC.
Maigsi subalit malinaw ang mensahe ni Ruiz nang tanggapin ang hamon sa BOC. Ani Ruiz sa 17 district collectors, magtrabaho para hindi malaglag sa pwesto.

Bukod sa panghihikayat para sa isang masigasig na ahensya, nagbabala rin si Ruiz na wala siyang sisinuhin – kesehodang dambuhala pa ang padrinong gigitna.

Ang maganda, mabilis nagbunga ang kanyang limitadong salita. Ang koleksyon ng ahensya, biglang sumipa. At sa kauna-unahang pagkakataon, lahat ng 17 BOC district collection office, nakapagtala ng higit pa sa itinakdang target na kita para sa buwan buwan pa lang ng kanyang pamumuno.

Natakot ba silang malaglag? O umaareglo sa mga nakaraang iregularidad?

Alinman ang dahilan, isa lang ang malinaw.

Kayangkaya ni Yogi magpasunod ng kawanihang kilalang pinamamahayan ng mga matitigas ang pagmumukha.

Narito ang patunay – para sa buwan ng Agosto, tumataginting na P78.9 bilyon ang pumasok sa kaban ng pamahalaan, higit na mataas ng P20-bilyon o katumbas ng 34.1% na dagdag-antas kumpara sa P58.8 bilyong target collection.

Sa naturang halaga, P77.9 bilyon ang ambag ng mga district collection offices habang P248.2 milyon naman ang nalikom mula sa Post Clearance Audit Group (PCAG) bukod pa sa P677.4 milyon sa Tax Expenditure Fund (TEF).

Kapuna-puna rin ang sigasig na ipinamalas ng 17 district collection offices. Dangan naman kasi lahat sila lagpas sa target collection ang kinita.

Mula Enero hanggang Agosto, pumalo na sa P559.2 bilyong ang pumasok na kita ng kawanihan mula sa buwis at taripang kalakip ng pumasok at lumabas na kargamento sa bansa – labis pa ng P146.9 bil­yon kumpara sa P412 bilyong actual target ng ahensya para sa unang walong buwan ng nakalipas na taon.

Pero teka… hindi porke’t nahagip niyo ang target collection para sa buwan ng Agosto, makakapag-relax na ang mga amo sa 17 distrito dahil patuloy ang pagmamasid ni Ruiz na ang tanging hinihintay ay isang bulilyaso para goodbye na kayo sa pwesto.

‘Wag kalimutan, ang tinuran ni Ruiz – hindi kailangan sa ahensyang pinamumunuan ang pabigat sa kawanihan. Kasi nga naman, sagabal sa katuparan ng mga direktiba ng pangulo ang mga bulilyasong tahiran!

196

Related posts

Leave a Comment