YOSI SMUGGLERS HAGIP SA ZAMBO

LIMANG indibidwal na pinani­niwalaang bahagi ng isang mas malaking sindikato sa likod ng cigarette smuggling sa Mindanao ang inaresto ng pinagsanib na pwersa ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM) at Bureau of Customs (BOC) sa isang operasyon sa Balod Island sa lalawigan ng Sulu.

Sa paunang ulat ng kawanihan, aabot sa P8.19 milyon ang halaga ng nasamsam ng kontrabando mula sa mga suspek na kinilalang sina Monal Sappari Haili, Asmad Ismael Tingkahan, Latas Tingkahan Ismael, Bardi Ukkang at Alsi Tingkahan.

Ayon sa NFWM, nasabat ang mga suspek sakay ng isang bangkang-de-motor kung saan ikinarga ang mga kontrabando. Sa imbentaryo, nasa 182 master cases ng iba’t ibang klase ng mga imported na sigarilyo ng nasamsam matapos ang habulan sa karagatan.

Ani NFWM commander Rear Admiral Toribio Adaci Jr., namataan ng kanilang operatiba – kasama ang mga nagpapatrolyang kawani ng BOC — ang naturang sasakyang dagat
Linggo ng gabi. Aniya, tinangka pa umanong tumakas ng mga suspek na mabilis din naman nasukol ng mga operatiba.

Kabilang sa mga nasamsam na kontrabando ay mga sigari­lyong tatak Fort at Astro. Hindi naman nabanggit sa ulat kung saan nagmula at saan dadalhin ang mga nasabat na smuggled na sigarilyo.
Ayon naman kay Port of Zamboanga district collector Segundo Barte, kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) ang mga arestadong suspek.

187

Related posts

Leave a Comment