STOP OVER SA DUBAI, ISANG URI NG ILLEGAL RECRUITMENT SA U.A.E.

0

GARAPALAN at talamak na ang nangyayaring illegal recruitment sa social media patungo sa United Arab Emirates (UAE) na kinapapalooban ng Dubai at Abu Dhabi.

Nitong nakaraang Biyernes ay napag-usapan namin sa aming programang Bantay OFW sa DWDD 1134KHz AM kasama si Alden Estolas at POEA Administrator Bernard Olalia ang sumbong ng mga OFW ukol sa paghihikayat sa kanila ng ilang mga kapwa OFW na nakabase sa Dubai upang lumipat ng trabaho mula sa karatig na bansa.

Kabilang sa mga isinumbong ng mga OFW at Volunteer Advocates ang may Facebook Account na TAD HOUSEMAID at si Angela Refil na parehong nakabase sa Dubai, U.A.E.

Katwiran ng mga nasabing illegal recruiter ay lehitimo at lisensyadong recruitment agency sa Dubai ang pinagpapasukan nila ng mga aplikante kung kaya lehitimo ang kanilang recruitment.

Nakaligtaan ng mga nasabing illegal recruiter na mahigpit na ipinagbabawal ang iskema na tinatawag na “third country recruitment” na kung saan ang mga OFW na kasalukuyang nagtatrabaho sa ibang bansa ay hinihikayat na lumipat ng employer sa mga karatig na bansa.

Halimbawa rito ay kung sa kasalukuyan ay nagtatrabaho sa Kuwait ang isang OFW at hinikayat na lumipat ng trabaho patungo sa Dubai na hindi dumaan ang mga kontrata o dokumento sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) o sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) ay maituturing na itong illegal recruitment.

Madalas na ang ahensya sa Dubai o Abu Dhabi ang gumagawa ng ganitong kabalustugan dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin pinapayagan ng POEA ang pagpapadala ng Household Service workers (HSW) sa UAE dahil sa hindi pa napagkakasunduan ang hinihiling na proteksyon at kontrata na dapat gamitin para sa pagpapadala ng mga HSW sa UAE.

Napakadelikado at tiyak na agrabyado ang sinumang OFW na mabibiktima o nahihikayat na lumipat ng ibang bansa dahil sakaling may masamang nangyari o di kaya ay namaltrato ang isang OFW ay walang ahensya na maaring managot sa kanyang naging kalagayan.

Sa aking panayam kay POEA Administartor Bernard Olalia ay mariin niyang binalaan ang mga gumagawa ng iskema na third country recruitment.

Nagbabala rin ito na sakaling makuha ng POLO ang kumpletong detalye ng pagkaka-kilanlan ng mga illegal recruiter ay sisiguruhin ng POEA na ito ay kanilang kakasuhan.

Idinagdag pa niya na kaniyang hihilingin ang tulong ng Department of Foreign Affairs upang ipakansela ang mga pasaporte ng mga illegal recruiters upang ang mga ito ay mapa-deport at makulong sa Pilipinas.

Hindi lamang sa bansang UAE nagaganap ang ganitong gawain ng mga illegal recruiters, katunayan ay noon pang taong 2018 ay ganito rin ang estilong ginagawa sa pagrerecruit sa mga OFW na mula naman sa Hong Kong, Singapore and Cyprus upang dalhin direkta sa Dubai, Mongolia, Turkey, Russia at Lebanon.

Matatamis ang dila ng mga illegal recruiter na ito para makahikayat ng kanilang biktima.

Kabilang sa kanilang pang-enganyo ay ang pagsasabi na walang babayaran na placement fee, may iba pang kasamang OFW sa loob ng tahanan na pinagtatrabahuhan at regular ang day off.

Ngunit sa oras na ito ay makarating na sa UAE ay doon na nagsisimula ang kanilang kalbaryo na kung saan ay hindi na sila binabayaran ng sweldo dahil ito ay kapit na sa patalim dahil wala na itong visa at maituturing na illegal worker.

May ilan din insidente na ang biktima ay napapasok sa prostitusyon.

Maging babala sana ito sa mga illegal recruiters at sa mga nagpaplano pa lamang na magtungo sa mga nabangit na bansa sa pamamagitan ng “Stop Over sa Dubai”.

Read More

MAYOR BENHUR ABALOS BILANG BAGONG MMDA CHAIRMAN

0

MATAPOS ang pagpanaw ng dating Chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na si Danilo Lim, inanunsyo kamakailan ang napili ni Pangulong Rodrigo Duterte na papalit dito.

Ang napiling bagong pinuno ng MMDA ay walang iba kung hindi si dating Mandaluyong Mayor Benjamin “Benhur” Abalos, Jr.

Lubos akong sumasang-ayon sa naging desisyon ni Pangulong Duterte.

Upang maipagpatuloy ang magandang takbo ng sistema ng organisasyon, kailangan ng pinunong kagaya ni Lim na matapat, mahusay, at may integridad.

Wala na akong ibang naiisip na perpektong kandidato para sa posisyon kung hindi si Abalos.

Si Abalos ay isang batikan at kilalang tagapaglingkod sa lokal na pamahalaan at isang dating mambabatas.

Nagsilbi si Abalos bilang alkalde ng Mandaluyong City mula 1998 hanggang 2004, at mula 2007 hanggang 2016.

Ang kanyang istilo sa pamumuno ang natukoy na pangunahing dahilan kung bakit kinilalang Tiger City of the Philippines ang nasabing siyudad matapos ang isang termino.

Sa pagtanggap ni Abalos sa posisyon bilang bagong chairman ng MMDA, sinabi niya, “Communication is the key here.

I will do my best to fulfill my job as the new MMDA chairman, carrying the slogan ‘Gawa Hindi Salita’ which we implemented in Mandaluyong.”

Ayon sa Numbeo, isang internasyonal na ahensyang nagsusuri ng global na indeks ng trapiko, ang Pilipinas ang may pinakamalalang daloy ng trapiko sa mga bansa sa Timog Silangang Asya, at ika-siyam sa buong mundo.

Bunsod nito, kailangan talaga ng MMDA ng beterano at mahusay na pinuno upang matugunan ang suliranin sa trapiko sa bansa, lalo na sa Metro Manila.

Mahalaga sa pagtugon sa nabanggit na suliranin ang pagkakaroon ng magandang ugnayan sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Metro Manila.

Si Abalos ay may magandang ugnayan sa iba’t ibang pinuno ng mga lokal na pamahalaan bilang resulta ng kanyang naging dating pamumuno sa dalawang kilalang organisasyon sa bansa – ang Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) at ang League of Cities of the Philippines (LCP).

Ang ULAP ay isang organisasyon na binubuo ng lahat ng mga pinuno ng lokal na pamahalaan sa bansa at ng mga hawak nitong mas mga organisasyon gaya ng League of Governors, League of Vice Governors, Board Members, City Mayors, Municipal Mayors, Vice Mayors, Councilors, at Sangguniang Kabataan, pati na rin ang organisasyon ng mga nars at midwife.

Ang LCP naman ay organisasyon ng 122 na alkalde sa bansa.

Sa unang araw ng pamumuno ni Abalos, inilatag agad nito ang mga pagbabagong nais nito gawin sa EDSA.

Batid ni Abalos ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa Department of Transportation (DoTr).

Kasama sa kanyang plano ang pakikipag-ugnayan kay DoTr secretary Art Tugade ukol sa EDSA Busway, na epektibo sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko sa EDSA.

Sa kabila ng hamong naghihintay kay Abalos, handa na nitong pamunuan ang MMDA. Handa na siyang gawin ang lahat ng kanyang makakaya upang mahanapan ng solusyon ang problema sa daloy ng trapiko sa bansa, particular na sa Metro Manila.

Ako ay naniniwala na hindi tayo bibiguin ni Abalos. Dala ang kanyang karanasan sa pulitika at sa pamumuno, naniniwala akong lalong aangat ang MMDA sa ilalim ng pamumuno ni Abalos.

Read More

Sa P4-M ‘padulas’ sa DPWH ENGR. NICOLAS, IBA PA, SWAK SA KORAPSYON

0

(NELSON S. BADILLA)

IPINAG-UTOS ni Pangulong Rodrigo Duterte na agad parusahan ang district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa lungsod ng Pasig at apat pa niyang kasamahan dahil sa P4 milyong ‘padulas’ sa P70 milyong proyekto ng nabanggit na kagawaran.

Inaakusahan ng korapsyon si Engineer Roberto “Bobby” Nicolas at kanyang mga kasamahan na sina Tess Orquia, Engr. Melody Domiguez, Engr. Luisito Ponancio at Vilma Gomez.

Kinumpirma naman ni DPWH Secretary Mark Villar na bukod sa kasong korapsyon, sasampahan din sina Nicolas, Orquia, Dominguez, Ponancio at Gomez ng unethical conduct dahil kawani sila ng pamahalaan at bribery dahil sa pagtanggap umano ng apat na milyong piso mula sa sinasabing isa sa mga contractor ng proyekto ng DPWH.

Ayon kay Villar, sasampahan din ang lima ng kasong administratibo upang matanggal sila sa naturang ahensya.

Bilang kagyat na hakbang, sinuspinde na ni Villar sina Nicolas at tatlo pa, maliban kay Gomez dahil retirado na ito.

Ayon kay Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica, ang P4 milyong padulas ay “paunang bigay” sa P20 milyong “standard operating procedure” (SOP) para “makuha” ang P70 milyong halaga ng proyekto ng DPWH na steel parking.

Ipinaliwanag ni Belgica na ang P20 milyon ay ang halagang “napagkasunduan” na SOP daw sa pagitan ng mga DPWH-Pasig district engineer at kontraktor.

Ang batayan ni Belgica ng naganap na pagtanggap umano nina Orquia at Gomez ng P4 milyon mula sa ‘kinatawan’ ng kontraktor ay “video footages” kung saan nakunan ang ilegal na transaksiyon.

Tiniyak ni Belgica na “totoo” at “beripikado” ang video footages ng PACC.

Ang kinatawan ng kontraktor sa transaksiyon ay “asset” ng PACC.

Idiniin ni Belgica na sangkot si Engr. Nicolas sa ilegal na transaksiyon kahit wala siya sa pangyayari dahil sa kanyang opisina mismo naganap ang nasabing krimen.

Bukod dito, si Gomez ay dating miyembro ng staff ni Nicolas, ngunit nagretiro na ito.

Ayon sa naunang lumabas sa ibang media company, si Gomez ay “bagman” o “kolektor” umano ni Nicolas.

Ibinunyag ni Belgica na maraming reklamong natanggap ang PACC hinggil sa akusasyong korap si Engr. Nicolas, ngunit walang makalap na sapat, matibay at malakas na mga ebidensiya laban sa inhinyero.

Aniya, ang video footages hinggil sa P4 milyong SOP ay malinaw na ebidensiya laban kay Nicolas at sa kanyang mga kasapakat sa korapsyon sa DPWH-Pasig.

Hindi naman binanggit ni Belgica na sangkot ang kongresista ng Pasig na si Rep. Roman Romulo sa korapsyon sa proyekto ng DPWH.

Matatandaang siyam na kongresista ang nakasaad sa ulat ng PACC na mga sangkot umano sa korapsyon sa DPWH na isinapubliko ni Duterte kahit walang ebidensiya ang PACC laban sa kanila.

Ang mga mambabatas na tinukoy sa ulat ng PACC ay sina Occidental Mindoro Rep. Josephine Ramirez Sato, Quezon City Rep. Alfred Vargas, Misamis Occidental Rep. Henry Oaminal, Isabela Rep. Alyssa Sheena Tan, Northern Samar Rep. Paul Daza, Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan, ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap, Bataan Rep. Geraldine Roman at dating Ifugao Rep. Teddy Baguilat, Jr. na pawang itinanggi ang akusasyon sa kanila.

Naghain naman ang bagitong kongresistang si Yap ng resolusyon upang malaman ang katotohanan ng imbestigasyong isinagawa ng PACC.

Nauna rito, labing-apat na DPWH district engineers ang tinanggal ni Villar sa kani-kanilang puwesto bilang pagtalima sa utos ni Duterte.

Nahaharap sa kasong korapsyon ang labing apat upang makulong sila at administratibo upang tuluyan naman silang matanggal sa DPWH.

Ang nasabing aksyon ay bahagi ng paglilinis ng liderato ng kasalukuyang administrasyon hinggil sa napakalaganap na katiwalian, korapsyon at pandarambong sa mga kagawaran at ahensiya ng pamahalaan.

Ang Task Force Against Corruption (TFAC) na pinamumunuan ng Department of Justice (DOJ) ay nag-iimbestiga na rin sa DPWH makaraang kunin nito ang trabaho mula sa PACC dahil hirap makakuha ng mga ebidensiya ang huli laban sa mga pinaniniwalaang korap sa DPWH.

Read More

HALAL COVID-19 VACCINE HIRIT NI IMEE PARA SA PINOY MUSLIMS

0

NANAWAGAN si Senador Imee Marcos sa pamahalaan na siguruhing ‘halal’ o may permiso para sa milyung-milyong Pilipinong Muslim ang mga COVID-19 vaccine para hindi lang masayang o mabasura at marami ang mabakunahan.

“Ang pagsasa-alang-alang sa relihiyon at mga kultura o paniniwala ay makakaiwas para hindi masayang ang gastos ng gobyerno at makakahimok sa mga tao para magpabakuna,” ani Marcos na nagsabing 47% ng mga Pinoy na na-survey ng Pulse Asia ay nag-aatubiling magpabakuna.

“Dapat na kumonsulta ang pamahalaan sa mga grupong nagsi-certify ng halal tulad ng Islamic Da’wah Council of the Philippines, na sumasaklaw sa halos 100 mga organisasyon ng mga Muslim sa bansa, bago isapinal ang alokasyon ng bakuna lalo na para sa BARMM (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao),” payo ni Marcos.

“Ang mga bakunang inaprubahan ang EUA (emergency use authorization) sa Muslim countries na tulad ng Saudi Arabia, United Arab Emirates, Malaysia at Indonesia ay maaaring mas tanggapin ng mga kapatid nating Muslim, na nasa Metro Manila man o Mindanao,” dagdag pa ni Marcos.

Sa ilalim ng batas ng Islam, ang paglunok o pagkain ng baboy at deribato nito ay kinokonsiderang ‘haram’ o ipinagbabawal, maging ang pork-extracted gelatin na ginamit para mapatatag o ma-stabilize ang maraming bakuna habang nasa storage o nakaimbak ito at habang inihahatid sa destinasyon nito.

Ang sinasabing sangkap na gelatin ang nag-udyok sa mga religious leader sa Indonesia noong 2018 na ideklara ang mga bakuna ng tigdas at rubella na ‘haram’, na nagresulta sa mas kakaunting batang nabakunahan at naitala sa nasabing bansa ang isa sa pinakamataas na infection rates sa buong mundo sa taong iyon.

“Dapat maging mas maingat at sensitibo ang gagawing pagbabakuna ng gobyerno para ito ay maging matagumpay. Hindi sapat na ito ay mura lang at kayang tumagal sa matagal na biyahe lalo sa malalayong isla ng Basilan, Sulu at Tawi-Tawi,” ani Marcos.

Halos anim na milyon ang mamamayang Pilipino na Muslim, base sa 2015 census ng Philippines Statistics Authority.

Gayunpaman, ayon kay Dr. Dimapuno Datu Ramos Jr., tagapagsalita ng National Commission on Muslim Filipinos, tinatayang nasa 15 milyon na sila sa bansa ngayon. (ESTONG REYES)

Read More

Iimbestigahan ng Kamara IREGULARIDAD SA BAYANIHAN 1, 2

0

NAKAAMOY ng iregularidad ang House committee on appropriation sa Bayanihan 1 at 2 kaya pagaganahin na ang oversight function ng komite para imbestigahan kung papaano ginamit ang pondo sa dalawang nabanggit na batas.

Ito ang nabatid kay Benguet caretaker Rep. Eric Yap, chairman ng nasabing komite kaya bukod sa pagbabantay sa 2020 at 2021 national budget ay bubusiiin kung papaano ginastos ang mahigit P664 billion ng Bayanihan 1 at 2.

“Our responsibility as the Appropriations Chair does not end once the budget is enacted. Aside from our regular committee work, we will exercise the oversight function of the Committee to look into how the budget will be spent throughout the year,” ani Yap.

Sisiguraduhin umano ng mga ito na ang bawat piso na galing sa buwis ng mamamayang Pilipino ay diretso sa kapakinabangan ng mamamayan kaya kailangang mabusisi aniya ito.

“Isa rin sa bubusisiin natin ay kung paano ginastos ang Bayanihan 1 at 2, lalo na sa mga ahensya na kung saan marami tayong natanggap na reports ng iregularidad,” ayon sa mambabatas.

Ang Bayanihan 1 o mas kilala sa Bayanihan to Heal as One Act o Republic Act 11469 ay pinondohan ng P275 Billion habang ang RA 11519 o Bayanihan to Recover As One (Bayanihan 2) ay may pondong umaabot sa P289.1 Billion.

Gayunpaman, hindi nagbigay ng impormasyon ang mambabatas kung anong mga ahensya na nagpatupad sa nasabing batas ang nagkaroon ng bahagi sa mga nabanggit na pondo at nakitaan ng iregularidad.

“This is in consistence with the president’s directive to further intensify the anti-corruption efforts in the government. No one is untouchable. Susuriin natin kung paano ginastos ng bawat ahensiya ang pera ng taumbayan,” ayon pa sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

Read More

ANTI-CHILD PORN LAW AMYENDAHAN NA – NOGRALES

0

(BERNARD TAGUINOD)

MULING umapela si Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles sa liderato ng Kamara na isalang na sa deliberasyon ang kanyang panukalang amyendahan ang
Republic Act (RA) 9775 o Anti-Child Pornography Act of 2009 upang matigil na ang online exploitation sa mga kabataan.

Ginawa ni Nograles ang apela matapos aksyunan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang problema sa online child pornography nang atasan niya ang National Telecommunications Commission (NTC) na patawan ng parusa ang mga Internet Service Provider (ISP) na mabibigong pigilan ang krimeng ito.

“Nagpapasalamat tayo na si Pangulong Duterte na mismo ang nagdirekta para magkaroon ng agarang aksyon laban sa child pornography. Nananawagan tayo sa Kongreso na gawin din ang makakaya para matigil na ang pagsasamantala sa ating kabataan,” ani Nograles.

Ang kautusan ng pangulo ay kasunod ng paglobo ng online sexual exploitation noong 2020 kung saan umaabot sa 47,937 ang naitalang kaso na mahigit doble sa 19,000 na nairekord noong 2019.

Maging ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ay nagsabi na umaabot sa P113.1 million ang suspicious transaction noong 2020 dahil sa child pornography na halos doble rin sa P6.5 million na naitala noong 2019.

Dahil dito, kailangang umaksyon na aniya ang Kongreso at amyendahan ang nasabing batas upang lalong mapalakas ang kampanya laban sa child pornography dahil lumalala ito habang tumatagal.

Sa ngayon ay nakabinbin ang House Bill (HB) 7633 o Anti-Sexual Abuse and Exploitation of Children Act of 2020 na inakda ni Nograles na naglalayong amyendahan ang Section 9 ng nasabing batas.

“The said section allows internet service providers to install software that could block access to and transmittal of child pornography and notify authorities within seven days of detection of any internet address that may contain child pornography,” ani Nograles.

“However, it also states that ‘nothing in this section may be construed to require an ISP to engage in the monitoring of any user, subscriber or customer or the content of any communication of any such person,’ which telecom operators have said effectively hampers them from taking action, in particular monitoring and blocking child pornography websites,” dagdag pa ng Harvard trained lawyer.

Dahil dito, kailangang amyendahan aniya ang Section 9 ng nasabing batas at ilagay ang “Duties of an Information and Communication Technology Service Providers (ICTSP) – All Information and Communication Technology Service Providers (ICTSP) shall install available technology, program or software to ensure that access to or transmittal of any form of child pornography will be blocked or filtered”.

Kailangang ipaalam din ng mga ICTSP sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) sa loob ng pitong araw ang impormasyon hinggil sa child pornography na transaction upang agad maaksyunan ito at iba-ban din ang lahat ng dayuhan na may kinakaharap na sex-related cases sa kanilang bansa.

Read More

15K CONTACT TRACERS MULING PAKIKILUSIN

0

MULING minobilisa ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang 15,000 contact tracers para matiyak na magiging tuloy-tuloy ang ginagawang contact tracing efforts ng kagawaran.

Muling kinuha ng DILG ang serbisyo ng may 15,000 contact tracers (CTs) sa buong bansa sa loob ng panibagong anim na buwan.

Nabatid na inaprubahan ng Department of Budget and Management ang kabuuang P1.9-billion para sa hiring ng CTs ngayong 2021.

“While the country’s COVID-19 response is significantly improving, we should sustain our contact tracing efforts especially with the reported entry of the new UK variant into the country. Hence, we are pleased that we have been given the funds to re-hire some 15,000 CTs this year who will continue to help us track down, monitor coronavirus cases, and cut transmission in the community,” ani DILG Undersecretary and Spokesperson Jonathan Malaya.

Sinabi pa ni Malaya, nais sana nilang i-rehire ang may 50,000 CTs na pinakilos nila nuong nakaraang taon subalit naging balakid sa kanila ang budget limitations.

“Much as we would like to continue the services of all the 50,000 CTs hired in 2020, we need to have a more rational number of CTs and work within the available budget allotted to the Department. Hence, only 15,000 CTs will be re-hired under a six-month contract in the meantime while we wait for the release of additional funds,” dagdag pa ng tagapagsalita.

Gagamitin ng DILG ang P1.4-billion na nakapaloob sa unreleased balance mula sa RA 11519 or extension of the validity of appropriations under the Bayanihan to Recover as One Act.

Idadagdag ito sa P500-million na inilaan para sa e-hiring ng contact tracers para sa 2021 General Appropriations Act.

“Therefore, DILG field offices and the LGUs are directed to conduct an immediate assessment of the performance of the contact tracers and proceed with the selection of those who have effectively and efficiently performed their assigned tasks,” ani Malaya.

Samantala, umabot na sa kalahating milyon ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Base sa case bulletin ng Department of Health (DOH), sumampa na sa 500,577 ang kabuuang bilang ng kaso ng sakit matapos itong madagdagan ng 1,895.

Nasa 5,868 naman ang bilang ng new recoveries dahilan para umabot sa 465,991 ang kabuuang bilang ng mga gumaling.

Dahil dito, nasa 24,691 pa ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Nadagdagan naman ng 11 ang mga nasawi kaya mayroon na itong kabuuang bilang na 9,895. (JESSE KABEL)

Read More

Pagbili ng Sinovac NANGANGAMOY KORAPSYON – LACSON

0

NAKITAAN ni Senador Panfilo Lacson ng bahid ng korapsiyon ang pagbili ng bakuna mula sa Sinovac dahil magkaiba ang presyo nito sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa.

Sa pahayag, sinabi ni Lacson na kanyang natuklasan na aabot lamang sa $5 ang halaga ng bawat doses ng Sinovac sa ibang bansa, ngunit inilantad ng Department of Health noong Nobyembre, na aabot sa $38 (higit P1,800) ang kada doses ng naturang bakuna sa Pilipinas.

Ayon kay Lacson, may isang artikulo na inilathala ng Bangkok Post nitong Enero 16, 2021 – na gumamit ng figures mula sa World Health Organization at mula sa manufacturer – nagsasabing aabot lamang sa $5 kada dose ng bakuna ng Sinovac.

Ngunit,  sinabi pa ni Lacson sa ginanap na pagdinig noong Nobyembre sa badyet, nagbigay ang Department of Health ng data sa Senate committee on finance na aabot sa P3, 629. 50 ang halaga ng bawat doses ng bakuna ng Sinovac.

“The difference in prices of Sinovac vaccine at US$5, US$14 and US$38 reminds me of an old story about how corruption is committed in three Southeast Asian countries – UNDER the table, ON the table, and INCLUDING the table,” ayon kay Lacson sa kanyang Twitter account.

“Here, it may cost $38.50 (P1,847.25) per dose but is covered by a Confidentiality Disclosure Agreement,” dagdag pa ni Lacson.

Natuklasan pa ni Lacson sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee of the Whole noong nakaraang linggo na tila napili ng tagapagpatupad ng vaccination program ng pamahalaan ang pribadong Sinovac – kaya hindi maiaalis na may sangkot na korapsiyon sa pakikipagkasundo ng pamahalaan sa Sinovac.

“While it was emphasized that only a G2G (government-to-government) arrangement is being observed or followed by the Philippines, vaccine czar Carlito Galvez Jr. openly admitted that he was dealing directly with an executive of Biotech Sinovac Ltd. based in Hong Kong. Sinovac is a privately owned corporation based in Beijing, China,” ayon kay Lacson.

“May track record sila nanunuhol. Bakit doon tayo nagpupumilit makipag-usap,”giit pa ni Lacson.

“Considering all these, can we blame the lawmakers and even our countrymen why they express suspicion in the government’s vaccination program?” dagdag ng senador. (ESTONG REYES)

Read More

BUY ONE, DONATE ONE SA COVID VAX, GIIT NI GORDON

0

IMINUNGKAHI ni Senador Richard Gordon ang “buy one, donate one” sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19.

Ipinaliwanag ni Gordon na sa ganitong sistema ay mas mapabibilis ang pagbangon ng ekonomiya dahil mas marami ang mabibigyan ng bakuna at makababalik na sa normal nilang pamumuhay.

“Nais namin iimplementa sa Red Cross ang “buy one, donate one” kung saan ang mga may kaya makabili ng bakuna ay maaaring mag-donate ng isa o higit pang bakuna para sa mga walang kakayahang makabili. Mas mabilis makakabangon ang ating ekonomiya kung mas marami ang mababakunahan,” saad ni Gordon sa kanyang tweet.

Sa tripartite agreement naman na pinapasok ng mga pribadong kumpanya para sa procurement ng COVID-19, ido-donate ng kumpanya ang 50 prosyento ng kanilang binili sa gobyerno habang ang 50% ay gagamitin sa kanilang mga empleyado.

Kasabay nito, iginiit ni Gordon ang pagpapatupad ng probisyon ng Universal Healthcare Law sa pagbibigay ng bakuna.

“Sa ilalim ng UHC Law, ‘every Filipino must register with a public or private primary care of choice.’ Kailangan may electronic records ang DOH ng mga kababayan natin upang lalong mapadali ang monitoring ng mga nabakunahan. Nasa harap na natin ang solusyon pero hindi pa nagagawa,” giit ni Gordon. (DANG SAMSON-GARCIA)

Read More