34 taong paghahanap ng hustisya MENDIOLA MASSACRE

0

(BERNARD TAGUINOD)

MAILAP pa rin hindi lamang ang hustisya para sa mga biktima ng Mendiola Massacre, kundi ang ipinaglalabang sariling lupa ng mga magsasaka sa bansa, 34 taon makalipas ang madugong trahedya na naganap sa labas mismo ng Palasyo ng Malacañang.

Ito ang itinatangis ng mga militanteng grupo na sumugod sa Mendiola, Manila para gunitain ang ika-34 taong anibersaryo ng Mendiola Massacre kung saan 13 magsasaka ang namatay.

“Thirty four (34) years after her brutal death, justice remains elusive and farmers still landless,” ani Zenaida Soriano, national chairperson ng Amihan National Federation of Peasant Women at isa sa mga survivor sa Mendiola Massacre.

Magugunita na Enero 22, 1987 sa ilalim ng panunungkulan ng noo’y Pangulong Corazon Aquino, nagsagawa ng kilos protesta ang mga magsasaka sa Mendiola para hilingin na ipatupad ang makatotohang repormang agraryo at mabigyan sila ng sariling lupa.

Subalit, ang martsa ay tinugon ng mga putok ng puwersa mula sa Western Police District (WPD) sa ilalim ni dating Gen. Alfredo Lim at Philippine Marines na nagresulta sa kamatayan ng 13 magsasaka.

Wala umanong napanagot sa nasabing masaker at wala ring nangyari sa ipinaglalaban ng mga magsasaka, sa halip ay lumala pa umano ang land grabbing.

“Dumaan ang tatlumpu’t apat na taon ay nanatiling walang hustisya ang mga biktima. Nananatili pa rin ang pundamental na tunggalian sa pagitan ng mga mahirap na magsasaka at panginoong may lupa dahil wala pa [r]ing lupa ang mga nagbubungkal nito,” ani Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat.

Mas tumitindi umano ang kalagayan ngayon ng mga magsasaka dahil marami sa mga ito na nakikipaglaban sa kanilang karapatan ay inakusahang rebelde at pinaslang.

“Wala pa rin lupa at nakalubog sa kahirapan. Tuloy pa rin ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa at pangisdaan, pero ang palagiang tugon ng gobyerno sa ilalim ng administrasyong Duterte ay karahasan, human rights violations at massacre,” dagdag pa ng mambabatas.

Related posts

Leave a Comment