GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
TUWING Hunyo 24, inaabangan sa San Juan City ang Wattah Wattah Festival. Isa ito sa pinaka-energetic na fiesta dahil sa basaan.
Makikita mo ang mga tao, may dalang balde, tabo, hose, bote ng tubig, at kung anu-ano pa. Basaan dito, sigawan doon. Ang saya ng lahat. Pero sa mga nakaraang taon, hindi lang tubig ang bumaha. Kasama na rin ang reklamo, aksidente, at gulo.
Kaya nitong taon, pinatunayan ni Mayor Francis Zamora na puwedeng i-celebrate ang Wattah Wattah na may order at respeto.
Nag-set up siya ng basaan zones. May oras. May lugar. Hindi puwedeng basta lumabas at magbasa ng kahit sino. At gumana ito. Nagsaya pa rin ang mga tao pero hindi na nagdulot ng sakit ng ulo.
Ngunit habang kontrolado na ang sitwasyon sa San Juan, biglang may nangyaring kabaligtaran sa Barangay Dayap, Calauan, Laguna. Doon, bigla na lang binabasa ang mga dumaraan. Motorista, tricycle driver, pasahero, kahit mga pa-trabaho. Walang paalam. Walang ingat. Parang hindi na fiesta kundi sagupaan.
Hindi nila ginaya ang San Juan. Kung ginaya sana nila eh ‘di sana maayos ang sistema. Ang nangyari sa Laguna, parang sariling trip lang ng ilang tao. Gusto lang nila magpakasaya pero hindi inisip kung may masisira o masasaktan. Sa totoo lang, parang wala silang pakialam kung may naapektuhan, basta may mabasa sila.
May video pa na kumalat kung saan may ilang grupo na tila proud pa sa ginawa nila. Nakatatawa raw. Pero sa totoo lang, nakaiinis. Ang fiesta dapat ay isang pagdiriwang, hindi dahilan para maperwisyo ang ibang tao. Lalo na kung ang binabasa ay walang kaalam-alam o ayaw naman talaga.
Masakit isipin pero ito na ang nagiging problema ng ilang selebrasyon. Nawawala ang tunay na diwa. Nagsisimula sa tradisyon, nauuwi sa abala. Nakasanayan na kasi ang kasiyahan na walang kontrol. Pero dapat natin tanungin, kailangan ba talagang gawin ito kahit alam nating may masasagasaan?
Ang respeto ay hindi nawawala kahit fiesta. Hindi lahat ng tao ay gustong mabasa. Hindi lahat ay puwedeng mabasa. May mga bata, may matanda, may buntis, may pa-trabaho, mayroong may sakit. Hindi lahat kasali sa kasiyahan. Kaya hindi dapat pilitin.
Ang ginawa ng San Juan ay magandang halimbawa. Hindi nila pinatigil ang tradisyon. Hindi nila pinigilan ang kasiyahan. Pero nilagyan nila ng limitasyon. May disiplina. May respeto. Puwede pala iyon. Hindi kailangan ng gulo para magsaya.
Kung ang ibang lugar ay gustong mag-celebrate ng kapistahan ni San Juan Bautista sa paraang may basaan, sana huwag kalimutan kung bakit ito ginagawa. Hindi lang ito basta laro ng tubig. Simbolo ito ng paglilinis, ng bagong simula, ng pananampalataya. Hindi ito dapat gamitin bilang excuse para manggulo.
Hindi rin rason ang “matagal na naming ginagawa ito” kung mali na ang epekto. Kahit tradisyon, kung may napipinsala, dapat baguhin o ayusin. Ang tunay na paggalang sa isang santo ay hindi nakikita sa sigawan o basaan. Nakikita ito sa kilos at respeto sa kapwa.
Kung may plano ulit sa susunod na taon, sana matuto na ang ibang lugar. Huwag nang hintayin na may maaksidente bago gumawa ng guidelines. Kung ang San Juan nga, kayang iayos ang dating magulong selebrasyon, bakit hindi rin natin kayang gawin iyon sa iba? Ang saya, masarap kapag walang naagrabyado. Ang mabasa sa tubig ay mas masaya kapag may pahintulot.
