PUNA ni JOEL O. AMONGO
BAGAMA’T nagpatupad ng tigil-putukan sa pagitan ng Iran at Israel ay hindi pa rin siguradong bababa ang presyo ng mga bilihin sa Pilipinas.
Matatandaan noong June 13, 2025, “Friday the 13th”, unang pumutok ang pambobomba ng Israel sa mga plantang nuclear ng Iran at agad namang nagdeklara ang mga kumpanya ng langis sa Pilipinas na magtataas sila ng presyo ng kanilang mga produktong petrolyo ng mahigit kumulang sa limang piso kada litro.
Sa kasaysayan ng mga pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo, ito na ang nakita kong pinakamabigat sa bulsa ng mga ordinaryong mamamayan na tulad ko.
Siyempre, maraming mga Pilipino ang apektado nito kaya marami rin ang nag-react, bakit naman daw agad-agad ang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Walang ibang ginawa ang gobyerno kundi pakiusapan ang mga kumpanya ng langis na kung maaari ay utay-utayin nila ang kanilang pagtataas ng presyo ng kanilang mga produktong petrolyo.
Kung kaya’t noong nakaraang linggo ay unang itinaas ng mga kumpanya ng langis ay P1.75/L sa gasolina, P2.60/L sa diesel at P2.40/L naman para sa kerosene.
Ang sunod na pagtataas ng presyo ay ipinangakong sa sunod na linggo na nila ipatutupad, ayon sa kumpanya ng langis, hinati nila ito sa dalawang beses na pagtataas.
Inihayag naman ang grupo ng transportasyon sa pangunguna ni Modesto “Mody” Floranda, presidente ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide, mahigit sa limang piso araw-araw, pito hanggang siyam na libong piso kada buwan ang mawawala sa kita ng mga tsuper dahil sa dagdag na presyo ng mga produktong petrolyo.
Kaya kailangan nilang magtaas ng singil sa pamasahe, dahil sa laki ng mababawas sa kanilang kita araw-araw ay wala na silang maiuuwi sa kani-kanilang mga pamilya, ika nga, gutom sila ‘pag nagkataon.
Hindi rin pwedeng asahan ang sinasabi ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon na mayroong mahigit dalawang bilyong pisong fuel subsidy na ibibigay ang gobyerno para sa mga tsuper at operator sa buong bansa.
Ang mga ganitong ayuda ng gobyerno sa mga tsuper ay masasabi nating malaking tulong sa kanila, subalit pansamantala lamang ito. Paano kung nagpatuloy ang giyera sa pagitan ng Israel at Iran? Hindi nagkasundo ang dalawang bansa sa kanilang ceasefire? Siguradong tuluyang tataas ang presyuhan ng mga produktong petroyo.
Lalo na’t nagbanta ang Iran na kanilang haharangan ang Strait of Hormuz kung saan dumaraan ang mga barko na nagdadala ng mga langis at produktong petrolyo mula Middle East patungo sa iba pang bansa na nangangailan nito.
Ayon sa pagtataya, ‘pag nagkataon na hindi makadaan ang mga barko sa Strait of Hormuz ay posibleng tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo ng P20 hanggang P50 kada litro.
Kailangan ngayon pa lang ay mag-isip na ang gobyerno ng solusyon kung paano ang kanilang gagawin para hindi masyadong indahin ng mga Pilipino ang epekto ng giyera ng Israel at Iran.
Hindi kasi tayo makatitiyak kung tuluyang nang matitigil ang away ng Israel at Iran o baka mas malala pa ang mangyari at humantong pa sa kampihan ng magkakaalyadong mga bansa na posibleng pagsimulan ng World War III.
Ngayon pa lang, sinabi ng Amerika na muli nilang bobombahin ang Iran, ganoon din ang Israel, at maging ang Iran ay sinabing gaganti sila sa dalawang bansa.
Kung magkakaroon ng World War III ngayon, mas maraming tao ang malalagas ang buhay kung ikukumpara sa naunang World War I at II.
High tech na ngayon ang giyera, computerize na ang mga armas, isang pindot lang sa computer ay magliliparan na ang mga rocket, kahit saan magtago ang tao ay kaya nang wasakin ito ng mga armas ng mayayamang mga bansa tulad ng Amerika, Russia, China at iba pa.
Tulad ng B2 Spirit Bomber ng Amerika na ginamit na pangwasak sa malalim na kinalalagyan ng mga plantang nuclear ng Iran sa Fordow, Natanz at Isfahan.
Ipagdasal na lang natin na magtuloy-tuloy na sana ang tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Iran para wala nang magbuwis pa ng buhay sa dalawang bansang nag-aaway at para wala nang madamay sa kanila.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa operarioj45@gmail.com.
