PAG-SCAM SA MAHIHIRAP NAPABILIS SA STARPAY

0

NAPABILIS umano ang pag-scam sa beneficiaries ng Social Amelioration Program (SAP) nang kunin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang serbisyo ng baguhang StarPay.

Ganito inilarawan ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat ang kontrobersya sa StarPay, isa sa 7 financial service providers (FSPs) na kinuha ng DSWD para mapabilis umano ang distribusyon sa SAP ng mga pamilyang apektado sa pandemya sa COVID-19 noong 2020.

“Ang maanomalyang pamamahagi ng SAP sa pamamagitan ng Starpay, isang electronic cash distribution, na ginamit ng DSWD para ipamahagi ang ayuda sa taong 2020-2021 para daw umano’y maging mabilis ang pamamahagi, ay sistema palang mabilis din ang pag-scam o pangloloko sa mga tao,” ani Cullamat.

Reaksyon ito ng mambabatas sa reklamong marami sa SAP beneficiaries ang hindi nakatanggap ng ayuda noong nakaraang taon.

Base sa record umano ng Makabayan bloc, sa 1.8 million beneficiaries na may pondong P50 billion na idinaan sa StarPay, mahigit 500,000 lamang ang nakatanggap ng ayuda.

“Nakakalungkot na ang kalakarang ganito. May pandemya na nga, kaliwa’t kanan pa ang korupsyon. Pinagkakaperahan pa ng mga kawatan sa gobyerno ang gutom at hikahos na taong bayan,” ayon pa kay Cullamat.

“Wag nyo namang gawing bundat ang mga tiyan at bulsa ninyo sa pagkulimbat sa pondong para sa mamamayan. Dapat ay maparusahan ang mga mandarambong na nabusog ang bulsa at kumikita sa Starpay. Agarang imbestigahan ang kasong ito at papanagutin ang mga kawatan,” dagdag pa nito.

Ganito rin ang panawagan ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas dahil mas malaki umano ang anomalyang ito kesa sa Pharmally na nagbenta ng overpriced na face shield sa gobyerno sa panahon ng pandemya.

“Kung pinagtubuan ng Pharmally ang face mask at face shield, pinagtubuan ng Starpay ang ayudang pinakinabangan sana ng mamamayan. Mantakin nyo, P8 billion na ayudang di pinamigay ang pinatubuan sa bangko, bukod pa sa sinasabi namin noon pa na transaction fee,” ayon pa sa mambabatas kaya dapat aniya itong imbestigahan ng Kongreso. (BERNARD TAGUINOD)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment