VACCINE PASSPORT IBIGAY NANG LIBRE

0

HINIKAYAT ni Senador Grace Poe ang Department of Health (DOH) na mag-isyu ng standard vaccine certificate na ipamimigay nang libre sa nabakunahan upang makatulong sa mabilis na pagbabalik sa trabaho ng overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng hanapbuhay sanhi ng pandemya.

Sa kanyang manipestasyon sa ginanap na ikatlong pagdinig ng Senate Committee of the Whole hinggil sa vaccination program ng pamahalaan, sinabi ni Poe na dapat walang sisingilin sa sinoman sa pagkuha ng sertipiko na katunayan na may bakuna na.

“The standard document that our people will carry as their badge of protection that they have been vaccinated should not make them spend extra money because every peso is precious especially during these hard times,” aniya.

Sa pagdinig, muling iginiit ni Poe ang kahalagahan ng vaccine passport na nakapanukala sa Senate Bill No. 1994 o ang “Vaccine Passport Act.”

Aniya, layunin ng panukala na mag-isyu ng vaccine passport sa indibiduwal na nabakunahan kabilang ang mga estudyante, lokal na manggagawa at OFWs.

“The vaccine certificate would be very effective. ‘Pag naghanap ang ating mga kababayan, kabilang na ang mga OFW, ng trabaho at pinakita nila ‘yun, advantage na ‘yan sa kanila. Alam naman natin ‘yun ang kulang sa atin ngayon na kailangan talagang mas dumami ulit ang mga nagtatrabaho,” paliwanag ni Poe.

Sa kanyang pagtatanong kay Health Secretary Francisco Duque III, sinabi nito na dapat maglalaman ng sertipiko ang petsa ng una at ikalawang pagturok ng bakuna.

Iginiit pa ni Poe na dapat itago ng DOH at katulad na ahensiya ang organisadong records at database sa lahat ng nabakunahan at iba pang mahahalagang impormasyon.

Sa ilalim ng panukala ni Poe, maglalaman ang vaccine record ng uri at purpose ng bakuna na itinurok sa kumuha, batch numer ng bakuna at saan galing ang bakuna, petsa ng turok at kung sino at anong institusyon ang namahala ng pagtuturok.

Ipagbabawal din ang pangongolekta ng anomang uri ng bayad sa pagbibigay, pag-amyenda at pagpalit ng vaccine passport kabilang ang parusa para sa pagkakaroon ng higit sa isang vaccine passport, pememeke at forgery. (ESTONG REYES)

Related posts

Leave a Comment