Korapsyon tuloy sa gitna ng pandemya -solon ‘KRIMINAL’ SA PHILHEALTH KAKALUSIN

“KRIMINAL na gawain na ‘yan.”

Ganito inilarawan ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang katiwalian umano sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kahit nasa gitna ng health crisis ang bansa.
Sa virtual press conference ng minority bloc sa Kamara kahapon, sinabi ni Zarate na hindi katanggap-tanggap na patuloy pa rin ang katiwalian sa PhilHealth gayung mas kailangan ngayon ng mamamayan ang pondo dahil sa COVID-19.

Ani Zarate, dapat nang seryosohin ang pagbuwag sa sindikato sa nasabing ahensya.

Ayon pa sa mambabatas, wala nang kahihiyan ang mga taong nagnanakaw ng pondo ng mamamayan dahil kahit sa panahon ng pandemya ay ginagawa nito ang criminal activities na ito.

Inilarawan naman ni APEC party-list Rep. Sergio Dagooc ang PhilHealth bilang “FailedHealth” dahil sa bagong kontroberya rito.

Nais naman ni Marikina Rep. Estella Quimbo na bigatan ang parusa sa mga nagsasamantala at nagnanakaw ng pondo sa insurance ng mamamayan dahil paulit-ulit na lamang umano ang nangyayaring katiwalian sa nasabing state insurance firm.

“Dapat siguro triplehin na ang parusa dyan,” ani Quimbo kapag gumawa na ng bagong batas ang Kongreso para i-overhaul ang PhilHealth upang matapos na umano ang katiwalian sa pondo ng mamamayan.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na tumigil na rin umano ang PhilHealth sa pagre-report hinggil sa kanilang tinutulungang mga pasyente ng COVID-19.

“Anong nangyari na sa kanila? Ang last report nila ay April pa,” ayon sa mambabatas kaya hindi malaman kung magkano na ang ginastos ng PhilHealth sa COVID-19 patients.

P52-B SA PNEUMONIA

Sumingaw rin na mistulang mas malala ang pneumonia outbreak na nangyari sa nakaraang tatlong taon kumpara sa COVID-19 lalo na noong 2017.

Ito ay dahil umaabot umano sa 3.5 million ang nagkasakit ng pneumonia na ginastusan ng PhilHealth ng P52.5 bilyon kumpara sa kinakaharap ngayong COVID-19 pandemic.

Kung sa kasakuluyan ay lagpas na sa 80,000 ang nabiktima ng COVID-19, napakaliit ito kumpara sa 700,000 na nagkasakit ng pneumonia noong 2018 at 800,000 noong 2017 at kung isasama ang mga tinamaan ng sakit na ito noong 2016 ay aabot umano sa 3.5 million.

Ayon kay Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, kahit ang kaso ng dengue ay tinalo ng mga nagkasakit sa pneumonia noong 2018 subalit hindi ito nabalitaan ng publiko.

“Mas malala pala ang pneumonia sa dengue outbreak dahil noong 2018, 700,000 ang kanilang (PhilHealth) natulungan financially,” ani Defensor kaya nais nitong makalkal ang nasabing isyu dahil umaabot sa P52.5 bilyon ang ginastos dito ng PhilHealth.

Ang PhilHealth ay muling nasa gitna ng kontrobersya matapos mag-resign ang kanilang anti-fraud legal officer na si Atty. Thorrsson Montes Keith matapos ipitin umano ang kanyang sahod at compensation dahil sa isinasagawa nitong imbestigasyon sa katiwalian sa ahensya.

Sinabi ni Defensor na natuklasan ang isyung ito dahil halos lahat umano ng pagamutan o ospital ay nagke-claim ng kabayaran sa mga pneumonia patient na kanilang ginamot sa mga nabanggit na taon.

“A year before that (2018) about 800,000 cases of pneumonia. E wala namang pneumonia crisis. So bakit lahat ng hospital nagke-claim,” ani Defensor kaya pinaalahanan aniya ng Commission on Audit (COA) ang PhilHealth ukol dito.

Bawat pasyente ng pneumonia ay P15,000 ang ibinabayad ng PhilHealth sa ospital kung saan nagpagamot ang mga ito kaya tinataya ng mambabatas na aabot sa P52.5 bilyon ang nagastos ng ahensya sa sakit na ito.

Dahil dito, hinamon ng mambabatas ang PhilHealth na buksan ang kanilang computer sa COA upang malaman kung nagkaroon ng katiwalian sa bagay na ito dahil hanggang ngayon ay hindi ito makapaniwala na nagkaroon ng pneumonia outbreak sa magkakasunod na taon nang hindi nabalitaan ng publiko.

Ang pneumonia ay isa sa mga sintomas ng COVID-19 na pangunahing problema ngayon ng bansa dahil sa naging epekto nito sa taumbayan at ekonomiya sa kabuuan.

SENATE PROBE

Nakatakda ring kalkalin ng Senado sa binuong Committee of the Whole ang malawakang anomalya sa PhilHealth sa inihain na Senate Resolution No. 475 nina Senate President Vicente Sotto III at Senador Panfilo Lacson.

Sa naturang resolusyon, sinabi ng dalawang senador na kailangan imbestigahan ang “corruption, incompetence, and inefficiency” sa PhilHealth sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon sa resolusyon, kailangan imbestigahan din ang Interim Reimbursement Mechanism (IRM), bilang suporta sa pagtugon ng pamahalaan sa banta ng COVID-19 na nagbigay ng kapangyarihan sa PhilHealth na magbigay ng espesyal na pribelehiyo sa pamamagitan ng substantial aid sa “eligible” Health Care Institutions.

Kabilang sa iimbestigahan ng Senado ang mga overpriced na kagamitan sa information technology na nagkakahalagang P328 milyon na inaprubahan ng Board noong Marso 2020.

“These rampant and pervasive allegations of corruption, incompetence and inefficiency have systematically impaired the management of PhilHealth to the detriment of this public institution and its members, without any remedial measures to improve competency and exact accountability, thereby endangering PhilHealth’s existence, necessitating the Senate’s intervention to prevent the corporation’s financial collapse,” ayon kay Lacson.

“This new malevolent scheme led to the release of hundreds of millions of pesos in record time – in one or two weeks – to a few unaccredited hospitals that register only one COVID-19 patient,” ayon pa kay Lacson.

Ayon kay Lacson sa interview ng DzBB sa News TV nitong Linggo na masyadong malawak ang gagawing imbestigasyon na sisimulan sa Huwebes. Pero para naman kay Sotto, dapat masimulan ang imbestigasyon sa Lunes, Agosto 3. (BERNARD TAGUINOD/ESTONG REYES)

Related posts

Leave a Comment