Sa mga batang pakalat-kalat sa kalye MAGULANG MANANAGOT

BINALAAN ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang mga magulang partikular sa Metro Manila na pigilan sa paglabas ang kanilang mga anak dahil sila ang mananagot sa mga ito.

Umapela rin ang heneral na gawing prayoridad ng mga magulang ang kaligtasan ng kanilang mga anak kaya dapat iwasang ilabas o dalhin ang mga ito sa mga pampublikong lugar.

“Nilinaw na ng Metropolitan Manila Development Authority ang panuntunan sa paglabas ng mga kabataan. Maaari lamang silang lumabas kung sila ay magpapagamot o kaya mag-eehersisyo. Dapat din ay kasama nila ang kanilang magulang tuwing lalabas,” ani PGen Eleazar.

Ayon sa heneral, maaring papanagutin ang mga magulang sa ginagawang pagbalewala ng kanilang mga anak sa mga ipinatutupad na health and safety protocols.

“Maaaring kayo ang managot kung maabutan sila ng ating kapulisan na pakalat-kalat sa lansangan o kaya’y nasa galaan,” ani Eleazar.

Tugon ito ng PNP Chief kasunod ng mga ulat na maraming bata ang nakikitang naglisaw sa mga pampublikong lugar gaya ng leisure parks mula nang ibaba sa alert level 3 ang National Capital Region.

Samantala, tiniyak din ni PGen Eleazar na mahigpit na babantayan ng kapulisan ang mga semeteryo sa buong bansa kasunod ng kautusan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na isara ang mga kampo santo mula October 29 to November 2. (JESSE KABEL)

554

Related posts

Leave a Comment