NAKAAALARMA ang nangyari noong nakaraang Lunes, Hunyo 1, matapos dumagsa ang maraming tao sa kalye sa unang araw ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.
Hindi na naipatupad ang physical distancing na sinasabi dahil sa pagdagsa ng mga tao na nag-aabang ng kanilang masasakyan.
Kitang-kita sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City na halos kalahati ng kalsada ay sinakop na ng mga taong nag-aabang ng kanilang mga masasakyan.
Kaya hindi na nakontrol ng mga awtoridad ang pagdagsa ng tao at sala-salabat na hindi na malaman kung paano gagawin ng mga taga-pagpatupad ng batas.
Sinisi ng taumbayan ang Department of Transportation (DOTr) dahil sila raw ang may kasalanan kung bakit walang masakyan ang mga gustong pumasok sa kani-kanilang mga trabaho.
Dapat daw pinaghandaan ng DOTr ang unang araw ng pasok ng mga empleyado bukod pa sa inalam nila o tinantiya kung ilang tao ang papasok sa kani-kanilang mga trabaho sa araw na iyon.
Wala man lang public transport tulad ng buses, UV express, jeepney at iba pa ang nasa kalye ng araw na iyo, kaya sana ang gobyerno ang naglabas ng mga masasakyan ng tao.
Kaya maraming naglakad nang napakalayo pati mga senior citizen na nagtatrabaho ay na perwisyo bukod sa may hinimatay pa.
Hanggang inabot ng gabi ang iba ay hindi na nasakay dahil wala namang sila masakyan.
Kaya kinabukasan Martes, Hunyo 2, halos wala nang tao dahil nadala na sila kaya karamihan sa kanila ay hindi na nangahas pang lumabas at nagtangkang pumasok sa trabaho.
Sabi nga nila nagpaalam na lang sila sa kani-kanilang mga amo na sa susunod na linggo na sila papasok kapag siguradong may masasakyan na sila.
May bumiyahe ngang ilang bus noong nakaraang Lunes, subalit limitado naman karamihan sa kanilang hanggang MRT lang.
Paano naman daw mula sa kani-kanilang mga bahay na ang public transport lamang ay ang traditional jeepney at UV express ang bumibiyahe?
Sana naman daw ‘wag pahirapan ng gobyerno ang mga ordinaryong manggagawa.
Mahigit dalawang buwan na silang walang trabaho at hirap na rin sila sa kanilang mga panggastos araw-araw kaya gusto na nilang makapasok sa trabaho.
Ang nangyayari ngayon sa gobyerno ay puro ‘trial and error’ na ang kinalalabasan ay puro error o palpak.
Nadagdagan pa ang sama ng loob ng mga manggagawa nang sabihin ni MMDA General Manager Jojo Garcia na ‘nawala sa focus’ ang mga tao noong nakaraang Lunes kaya sila dumami sa kalye.
Hello! Nasa tamang pag-isip ba si GM Garcia? Bakit naman makikisabay ang mga manggagawa sa dagsa ng tao sa kalye kung gagala lang sila?
Dapat mag-isip muna ang mga nasa pamahalaan bago magbitiw ng salita para hindi mag-boomerang sa kanila.
Ang pangyayari noong Lunes ay posibleng matulad sa South Korea kung saan ang 91 katao at nagnegatibo na sa test subalit dahil sa pagdagsa ng mga tao sa labas ay nagpositibo sila.
Kapag nangyari yan, baka tuluyan nang lumagpak ang ekonomiya ng Pilipinas at baka pati alcohol o kaya bulak ay hindi na kayang bumili dahil wala ng pera ang gobyerno.
Ay naku! Sana Lord lumipas na po ang problema ng mundo sa COVID-19.
Bigyan Nyo po kami ng mapagpasensyosong kaisipan at Kayo na po ang bahala sa amin.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operario@gmail.com
