DOROBONG HACIENDERO

Fernan Angeles
0

HABANG abala ang marami sa paghahanda para sa nalalapit na halalan, sinasamantala naman ng isang sindikato ang pagbabakod ng mga lupain sa bulubunduking bahagi ng Binangonan, sa lalawigan ng Rizal.

Katwiran ng sindikatong pinamumunuan umano ng mag-asawang nakabase sa Cardona, Rizal, sa kanila ang buong Binangonan – at maging ang malaking bahagi ng mga karatig-bayan. Pati ang lupang kinatitirikan ng mga munisipyo, himpilan ng pulisya, piitan, bahay-sambahan, husgado, pagamutang bayan at maging ang mga pampublikong paaralan, sa kanila raw lahat ‘yan!

Kilalang nakaririwasa ang pamilyang Guido. Taong 1991 nang maglabas ng desisyon ang Korte Suprema sa 7,000 ektaryang higit na kilala bilang Hacienda de Angono na bumabagtas sa mga bayan ng Cardona, Binangonan, Angono at Taytay. Ayon sa Korte Suprema sa mga Guido ang Hacienda de Angono, kalakip ang mga kundisyong tanging yaong wala pang titulo ang kanilang mababawi.

Bagama’t kinatigan ang kanilang pinanghahawakang sinaunang titulo, hindi naman ito nangangahulugang sila na rin ang may-ari ng buong bayan ng Binangonan na may sukat na 7,270 ektarya, Angono na may sukat na 2,300 ektarya, Taytay na 3,880 ektarya at Cardona na mayroon namang 3,115 ektarya.

Ang siste, marami na silang nabentang lupa sa mga pribadong kumpanya at maging sa mga dukhang minsang nangarap magkaroon ng sariling tahanan, bagay na kanilang itinanggi matapos nilang makuha ang kabayaran.

Hindi lamang isa ang dumaing sa ginagawang pagbabakod ng sindikato. Ayon sa ating impormante, estilong magnanakaw ang pagbabakod – sa kalaliman ng dilim at bago pa pumutok ang araw, tambad na ang mga armadong gwardyang handang pumatay sa sino mang sa kanila ay sisita.

Ang masaklap, pati ang mga tituladong lupa ay kanilang pinupuntirya, binabakuran at bantay sarado ng mga armadong gwardyang mula lang kung saang lupalop – bagay na idinulog sa pulisya na agad namang rumesponde bilang tugon sa kanilang mandato.

Ang problema, nabahag ang buntot ng mga pulis at iniwan ang mga kawani ng munisipyo matapos makita ang hindi bababa sa 40 armadong gwardiyang kinontrata ng sindikato.

Susmaryosep!

Nang makarating sa kinauukulan ang insidente, agad na naglabas ng direktiba ang punong himpilan ng Philippine National Police (PNP) – sibak sa pwesto pati ang hepe.

‘Yan ba ang kalidad ng mga pulis na karaniwang takbuhan ng mga na-agrabyado? Hindi ba’y bahagi ng kanilang mandato ang protektahan ang mga mamamayan at pairalin ang batas nang walang kinikilingan at pinangingilagan?

Hahayaan na lang ba ng PNP na maghari-harian ang hacienderong dorobo? Kung hindi kaya ng PNP, pwede naman sigurong pasukan na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) para tuluyan nang tuldukan ang pang-aagrabyado sa hanay ng mga negosyante at mga pobreng mamamayang ang tanging kasalanan ay mangarap na bigyan ang pamilya ng sariling tahanan.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment