PWERSAHAN SA BAKUNAHAN

0

MULING nagpamalas ng pagiging brusko si Pangulong Rodrigo Duterte nang humarap sa kanyang dumadalas na paglabas sa telebisyon para mag-ulat kaugnay ng ginagawa ng ­administrasyon sa laban kontra pandemya.

Sa kanyang mensaheng ipinaabot sa publiko, muling nagpaandar ang Pangulo. Aniya, uutusan na raw niya ang Philippine National Police (PNP) na samahan ang mga kawani ng Department of Health para hanapin ang mga bantulot na magpabakuna para sa pwersahang turukan.

Bahagi ng paandar ni Duterte ang mala-akyat bahay na diskarte – ang pasukin ang bahay ng mga hindi pa bakunado at turukan sa ­kahimbingan ng tulog ng mga ito.
Giit ng Pangulo, dapat nang makamit ang herd immunity.

Susmaryosep! Marso pa nang simulan ng ­gobyerno ang turukan. Supply – hindi ang mga tao ang problema sa likod ng kabiguan ng gobyernong mahagip ang target nitong herd immunity.

At nang dumating ang supply, bigo ang mga ahensyang itinalaga para sa information and education drive na ipaunawa nang lubos sa publiko ang buting dala ng bakuna kontra COVID-19.

Ang masaklap, naglabasan ang ulat sa hindi magandang epekto nito sa ilan na dapat sana’y naipaliwanag ng mga inatasan.

Ang higit na nakababahala ay ang pamumulitika sa bakuna ng mga nasa pwesto. Ayon mismo kay vaccine czar Carlito Galvez ay pinipiit ng mga nakaupong gobernador at mayor sa iba’t ibang panig ng bansa ang pagbibitaw ng mga bakunang halos mag-expire na sa mga regional offices ng Department of Health (DOH).

Kung may dapat gamitan ng kamay na bakal, hindi ang publiko kundi ang mga politikong tinutukoy ni Galvez.

Kung tutuusin, batid ng Pangulong mali ang kanyang direktiba. Isa siyang abogadong aral sa probisyong ginagarantiyahan sa ilalim ng Saligang Batas na kanyang sinumpaang poprotektahan nang siya ay maluklok sa pwesto taong 2016.

Sa isang banda, nakasanayan na niya ang pagpapaikot ng batas mula pa nang siya’y pumasok sa gobyerno. Ang tokhang, ang naudlot na pagtakbo bilang bise-presidente, ang pagtangging ilabas ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), ang giit na pagpalit ng kanyang anak sa Palasyo, ang pananabotahe sa trabaho ng Kongreso – ilan lang yan sa mga pruweba ng mga galawang brusko, kesehodang may batas na dapat sundin sinuman ang nasa pwesto.
Karapatang pantao ba kamo? Tinatawanan lang ‘yan ng administrasyon.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment