WALANG PUSONG CUSINTIDOR

0

SA gitna ng dikit-dikit na dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo, naglabas ng solusyon ang mga ekonomista at eksperto, bagay na dapat manggaling mismo sa Department of Energy (DOE) na siyang may mandatong tiyaking nasa ayos ang industriya ng enerhiya.

Sa aspeto nang walang humpay na taas presyo sa mga produktong petrolyo, nanawagan si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos na suspindihin muna ang pagpapataw ng katumbas na buwis (excise tax) ng mga gasolina, krudo at kerosene na ibinebenta ng mga kumpanya ng langis para sa mabilisang resulta – bawas P10 agad kada litro ng gasolina, P6 sa diesel, P5 sa kerosene at P3 sa LPG na karaniwang gamit sa mga kabahayan.

At sa panahong walang malilikom na excise tax ang gobyerno mula sa oil companies, dapat din aniyang isulong sa Kongreso ang batas na nagbabalik ng kontrol sa industriya ng langis sa gobyerno.

Tama rin naman, agarang solusyon ang dapat lalo pa’t wala nang panahon para isulong sa 18th Congress ang adyendang pagbabasura sa Oil Deregulation Law at magbalangkas ng batas na magbabalik ng oil industry regulation sa gobyerno. ­Dangan naman kasi, lahat halos ng mga mambabatas ay puro abala na sa paghahanda sa kani-kanilang kandidatura.

Kasabay nito, dapat din aniyang pag-aralan ang pagbabalik ng Oil Price Stabilization Fund (OPSF), isang mekanismong ginamit ng kanyang yumaong ama noong nakaupo pa itong Pangulo.

Sa ilalim ng OPSF, piso kada litro ang pumapasok sa pamahalaan na siya ring ginagamit pantakip sa tuwing tataas ang presyo ng langis sa world market. Bukod sa iwas-pasakit sa mga tao, nakatutulong din aniya ito para patibayin ang palitan ng piso kontra dolyar.

Tunay na matindi ang dagok ng dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo. Buwan ng Oktubre nang magsimula ang lingguhang oil-price na minsang sinalitan ng baryang rollback noong buwan ng Disyembre. Pagtuntong ng Enero, muling umarangkada ang taas presyo.

Sa datos ng DOE mula Enero ng kasalukuyang taon, halos P20 na ang dagdag presyo sa gasolina, habang P18 naman ang itinaas ng krudo.

Kung ang isang tsuper ng pampasaherong dyip na naglulan lang ng limitadong bilang ng pasahero, talaga namang masakit dahil ang P500 kita nila, inaagaw pa ng mga kumpanya ng langis.

Maliit mang halaga sa mga kapitalista, pero sa mga pobreng tsuper na umaasa lamang sa pasobra sa pasada, malaking kabawasan ang dapat sana’y kakainin na lang ng kanilang pamilya – bagay na tila walang dating sa Kalihim na Cusintidor!

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment