IBINALING ng Team USA ang frustration sa Iran, 120-66 kahapon. Kasunod ito ng nakadidismayang 83-76 pagkatalo sa kamay ng France noong Linggo sa Tokyo Games.
Umiskor si Jayson Tatum ng 14 points, kung saan pinag-init niya sa fourth-quarter ang opensa at pinaabot sa 50 puntos ang abante ng NBA-laden team.
Sa huling apat na minuto ay kumayod si Tatum ng 10 points tungo sa 108-57 count.
Top scorer si Damian Lillard, 21 points, kabilang ang anim na 3-pointer sa first-half, at 16 points naman mula kay Devin Booker.
Kinakailangan ng Team USA na maipanalo ang nalalabing laro upang manatili sa medal contention.
Agad ipinatikim ng Americans ang lakas nang umabante, 28-12 sa first quarter at palobohin ito sa 33 puntos sa halftime. Ginawang 55 points ang abante bago matapos ang fourth period.
“I think we came out with a lot more urgency,” wika ni Lillard. “Our energy was higher. We played at a faster pace. We were more aggressive, and we played like ourselves.”
Inaasahang maipagpapatuloy ng Team USA ang momentum sa final group stage game kontra Czech Republic sa Sabado. Tinalo ng Czech Republic ang Iran, 84-78. (VT ROMANO)
