SHORT CIRCUIT DAHILAN NG UMUSOK NA MRT-3

mrt3

SHORT circuit sa traction motors ang dahilan ng pag-usok ng isa sa mga tren ng Metro Rail Transit – 3 matapos ang imbestigasyon sa insidente ng smoke emission sa isa nilang tren noong November 4 sa Santolan Station (Northbound).

Ayon sa Sumitomo-MHI-TESP, nakitaan din ng mataas na daloy ng kuryente ang apektadong bahagi ng tren dahilan para masira ang electrical box at mga katabi nitong parte.

Ayon sa MRT-3, upang maiwasan nang maulit ang nasabing insidente ay may ipinatutupad na silang mga hakbang.

Kabilang dito ang paglilinis sa lahat ng electrical boxes ng tren, bus bars, connecting plates, main choppers, at mga adjacent part.

Umapela rin ng pang-unawa ang MRT-3 sa publiko.

Ayon sa MRT-3 ginagawa nila ang lahat katuwang ang Sumitomo para mabigyan ng ligtas na biyahe ang mga pasahero.

Read More

PAGPAPALIT NG LUMANG RILES NG MRT-3 UMPISA NA

(NI KEVIN COLLANTES)

SINIMULAN na ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang pagpapalit ng mga lumang riles nito, Lunes ng gabi, upang higit pang mapaghusay ang ipinagkakaloob nilang serbisyo sa publiko.

Nabatid na dakong alas-11:00 ng gabi nang isagawa ang rail replacement at nagtagal dakong alas-4:00 ng madaling-araw.

Ayon sa MRT-3, nakapaglatag sila ng kabuuang dalawang pirasong Long-Welded Rails (LWRs) na tig-180 metro ang haba sa kahabaan ng Buendia hanggang Ayala Station (Southbound).

Matatandaan na nitong buwan ng Oktubre ay sinimulan ang pag-welding ng 4,053 piraso ng riles sa Rail Welding Area sa Taft Avenue Station kung saan pagdudugtung-dugtungin ang 10 piraso ng tig-18 metrong riles upang makabuo ng isang LWR.

Ang pagpapalit ng riles ay gagawin tuwing non-revenue hours o mga oras na walang biyahe ang MRT-3, mula alas-11 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling-araw, at target na makumpleto pagsapit ng Pebrero 2021.

Sa sandaling mapalitan ang mga riles ay maiiwasan na ang pagkakatagtag ng mga bagon sa biyahe na isa sa mga pangunahing sanhi ng mga problema o aberya sa operasyon.

“Ang utos ni Secretary Tugade, palitan na ‘yung mga degraded at baku-bakong riles. This is long overdue. In fact, ‘yung kasalukuyang degraded state ng ating mga riles ang nagiging dahilan kaya nagiging matagtag ang takbo ng MRT-3. At ‘yang tagtag na ‘yan ay isa sa pinakamalalaking root causes kung bakit tayo nagkakaroon ng aberya,” saad ni Undersecretary for Railways Timothy John Batan.

Bukod dito, inaasahan din na magiging mas mabilis ang takbo ng mga tren, dahilan upang mapaiksi ang headway o waiting time, at madoble ang bilang ng mga pasaherong maseserbisyuhan ng MRT-3.

Ang pagpapalit ng riles ay isa lamang sa mga aktibidad na nakapaloob sa malawakang rehabilitasyon ng MRT-3.

 

Read More

MRT3 MAY LIBRENG SAKAY SA MENOR DE EDAD

(NI KEVIN COLLANTES)

MAY libreng sakay ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa mga menor de edad o mga batang nasa edad 18-anyos pababa sa Miyerkoles, Nobyembre 6.

Ito, ayon sa Department of Transportation (DOTr), ay bilang pakikiisa umano sa pagdiriwang ng 27th National Children’s Month sa nasabing araw.

Batay sa paabiso ng DOTr-MRT3, nabatid na maaaring makasakay nang libre ang mga menor de edad mula alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga, at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi sa Miyerkoles.

Para sa mga estudyante, maaaring iprisinta ang kanilang school IDs sa mga station personnel ng MRT-3 na nasa service gate upang makalibre ng sakay.

Ang MRT-3 ang nag-uugnay sa Taft Avenue, Pasay City hanggang sa North Avenue, Quezon City via Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).

 

Read More

TREN NG MRT-3 UMUSOK; HIGIT 500 PASAHERO PINABABA

mrt3

(NI KEVIN COLLANTES)

MAHIGIT sa 500 pasahero ang pinababa Lunes ng hapon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), na napilitan pang maglimita ng biyahe, matapos umusok ang sinasakyang tren ng mga ito sa area ng Santolan Station, sa oras pa naman ng rush hour.

Batay sa inisyung advisory ng Department of Transportation (DOTr)-MRT 3, nabatid na dakong alas-4:08 ng hapon nang mapuna ng driver ang usok mula sa isang tren nila sa northbound ng Santolan Station.

Dahil dito, napilitan ang MRT-3 na pababain ang may 530 na pasahero ng tren.

Kaagad ring pinuntahan ng mga tauhan ng maintenance provider ng MRT-3 na Sumitomo-Mitsubishi Heavy ang umusok na tren upang alamin ang naging dahilan ng aberya at kaagad itong kumpunihin.

Pagsapit ng alas-4:30 ng hapon ay nagpasya rin ang MRT-3 na magpatupad ng provisionary service o limitahan ang biyahe ng kanilang mga tren mula Shaw Boulevard hanggang Taft Avenue at vice versa habang hindi pa naaayos ang problema.

Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa nagbibigay ng update ang MRT-3 kung naayos na ang problema, ano ang pinagmulan nito, at kung nabalik na sa normal ang kanilang mga biyahe.

Humihingi rin naman ng paumanhin ang MRT-3 sa nangyari at tiniyak na masusi nila itong iimbestigahan upang hindi na maulit pang muli.

“We apologize for the inconvenience,” anang MRT-3. “Rest assured that our rehabilitation and maintenance provider, Sumitomo-Mitsubishi Heavy, will conduct a thorough investigation regarding this incident, and implement measures to prevent this from happening again. We will apprise you of further updates.”

Ang MRT-3 na bumabagtas sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) ang siyang nag-uugnay sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue, Quezon City.

Read More

TRIAL RUN NG CHINA-MADE DALIAN TRAIN PALALAWIGIN PA

(NI KEVIN COLLANTES)

NAGPASIYA ang Department of Transportation-Metro Rail Transit Line 3 (DOTr-MRT-3) na palawigin pa ng isang buwan ang trial run ng China-made na Dalian train.

Ayon sa DOTr-MRT 3, ang orihinal na petsa ng trial run ng naturang train set ay mula Oktubre 15 hanggang, Oktubre 31 lamang.

Gayunman, nagpasya silang patagalin pa ng hanggang Nobyembre 30, 2019, mula 8:30 ng gabi hanggang 10:30 ng gabi, araw-araw, ang initial trial period ng Dalian train upang higit pang maobserbahan na mabuti ang performance ng Dalian train set sa linya ng MRT-3.

Layunin din nitong makatulong sa inaasahang dagsa ng mga mananakay ngayong holiday season.

“Extended ang initial deployment period ng unang train set ng Dalian,” anunsiyo ng DOTr-MRT3

Samantala, sinabi naman ni MRT-3 Director for Operations Michael Capati na mula nang sinimulang patakbuhin ang nasabing train set sa linya ay wala naman itong naitalang isyu o aberya.

Sa katunayan, positibo pa aniya ang naging tugon ng mga mananakay sa kanilang biyahe lulan ng Dalian train.

“Wala naman pong issues na lumabas. Noong tinanong po namin ang aming mga mananakay at satisfied naman po sila sa pagsakay at pag-launch natin ng Dalian train,” ayon kay Capati.

Ang unang Dalian train set ay kabilang na sa regular fleet ng MRT-3 na bumibiyahe araw-araw, matapos na pirmahan ng maintenance provider na Sumitomo-MHI-TESP noong Oktubre 14, 2019 ang kasunduang nagbibigay pahintulot na patakbuhin ang isang Dalian train set sa rail line.

Ipinababatid naman ng ahensya na sa sandaling magsimula ang pagpapalit ng riles ng MRT-3 ay maaaring pansamantalang ipatigil ang deployment ng nasabing train set.

Ang isang Dalian train set na may tatlong bagon ay kayang makapagsakay ng 1,050 pasahero kada biyahe.

Ang MRT-3, na bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), ang siyang nagdudugtong sa North Avenue, Quezon City at Taft Avenue, Pasay City.

 

Read More

MRT3, WALANG EXTENDED OPERATING HOURS SA KAPASKUHAN

mrt3

(NI KEVIN COLLANTES)

WALANG aasahang extended operating hours mula sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang publiko ngayong Christmas season.

Ito ay dahil nagpasya na ang Department of Transportation (DOTr-MRT3) na huwag na munang palawigin ang oras ng kanilang operasyon ngayong panahon ng Kapaskuhan, upang bigyang-daan ang full blast rail replacement activities na isasagawa ngayong ‘ber months.’

Sa isang kalatas, sinabi ng DOTr-MRT3 na kailangan nila ng sapat na oras at panahon para maisaayos ang mga sira-sira at baku-bako nilang linya kaya’t sa halip na palawigin ang kanilang biyahe tulad ng nakagawian kapag magpa-Pasko, ay gagawin na lamang nilang puspusan ang pagpapalit ng kanilang mga riles.

Ayon sa DOTr-MRT3, ngayong Oktubre ay sisimulan na nila ang pagwe-welding ng 4,053 piraso ng riles sa Rail Welding Area sa Taft Avenue Station kung saan pagdudugtung-dugtungin ang 10 piraso ng tig-18 metrong riles upang makabuo ng isang long-welded rail (LWR) na may habang 180 metro.

Pagkatapos umano nito ay ilalatag na ang mga naturang LWRs sa rail tracks.

“Maglalaan po muna tayo ng sapat na oras at panahon para sa rail replacement in the last three months of this year. Masyado na pong sira-sira at baku-bako ang ating mga riles kaya kinakailangan na po talaga itong mapalitan sa lalong madaling panahon. ‘Yan po ang direksyon na napagkasunduang pinakamainam matapos po ang aming koordinasyon, at ayon na rin sa rekomendasyon ng mga eksperto mula sa Sumitomo at Mitsubishi Heavy Industries,” ayon kay Michael Capati, ang Director for Operations ng MRT-3.

 

Read More

MRT-3 NAGDAGDAG NG 100 GUWARDIYA

(NI KEVIN COLLANTES)

NAGDAGDAG ng mahigit 100 guwardiya ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) upang magbigay ng seguridad at tumiyak sa kaligtasan ng biyahe ng kanilang daang libong pasahero.

Ayon kay Engr. Michael Capati, director for operations ng MRT-3, mula sa dating 580 lamang ay mayroon na sila ngayong 750 security guards sa ilalim ng bago nilang kontrata.

“‘Yung ating bagong security contract ngayon, dati nasa 580 security guards lang kami, nag-increase kami ngayon to 750 guards,” pahayag ni Capati, sa panayam sa telebisyon.

“Primarily to supplement our route, kailangan kasi natin ng additional security,” aniya pa.

Nabatid na bukod sa mga dagdag na guwardiya ay naglagay pa sila ng karagdagang CCTV cameras, bilang bahagi ng kontrata ng train system sa kanilang service provider.

Maging ang mga bakod sa mga key areas ay tinaasan din para tiyaking ligtas ang mga ito at hindi basta-basta mapapasok.

Ginawa ni Capati ang pahayag matapos na isang lalaking palaboy ang umakyat sa bakod ng MRT-3 at tumalon sa riles, na nagresulta sa pagkamatay nito.

Nakita naman ito ng kanilang mga guwardiya ngunit nang sisitahin na ay bigla na itong tumalon.

“Very unfortunately, yung vagrant na namatay na, nakita ho iyan (ng mga guwardiya). Noong sisitahin na, naglalakad-lakad, nagtatatalon doon sa vicinity natin. Unfortunately, siguro baka wala sa katinuan, tumalon ho bigla bago natin mapakiusapan na bumaba,” kwento ni Capati.

Ang MRT-3, na bumabagtas sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) at nagseserbisyo sa may 300,000 pasahero araw-araw, ang siyang nag-uugnay sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue, Quezon City.

 

Read More

CHINA-MADE MRT3 TRAINS SASAILALIM SA TEST DRIVE

(NI KIKO CUETO)

SASAILALIM na sa test drive sa Metro Rail Transit Line 3 ang isa sa mga kontrobersyal na tren na gawa ng Chinese company na Dailan.

Sinabi ni MRT-3 Director Michael Capati na isang tren na may tatlong coaches ay kanilang idedeploy ng alas-8:30 p.m. – 10:30 p.m. ngayong Martes.

Kung tuluyang pumasa at gumana ay maaari itong magsakay ng 1,050 passengers.

Bumili ang Aquino administration ng 48 Dalian trains sa halagang P3.8 billion, karamihan ay hindi magamit dahil sa problema sa compatibility sa train tracks.

Na-delay ang deployment ng Dalian trains nang sumailalim ang MRT sa go-signal ng Japanese firm Sumitomo Corp, na siyang nakakontrata na magrerehabilitate sa MRT line at mapanatili ang 72 coaches.

Naunang sinabi ni Transportation Undersecretary Timothy Batan na ang pamahalaan at ang Sumitomo ay kailangan na mag-negotiate ng bagong kontrata kung ang 48 coaches na gawa ng China Dalian Corp. ay ipapasok sa MRT.

 

Read More

LIBRENG SAKAY SA MRT3 SA MGA GURO BUKAS

guro12

(NI KEVIN COLLANTES)

MAGANDANG balita para sa mga guro dahil pagkakalooban sila ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ng free rides bukasm Oktubre 5, kasabay nang pagdiriwang ng National Teachers’ Day.

Batay sa inilabas na advisory ng Department of Transportation (DOTr), na siyang nangangasiwa sa operasyon ng  MRT-3, bahagi ito ng kanilang pakikiisa sa mahalagang okasyon at bilang pagpupugay na rin at pagkilala sa sakripisyo at pagseserbisyo ng mga guro para sa bansa.

Ayon sa DOTr, ang libreng sakay ay maaaring i-avail ng mga guro mula 5:30 ng umaga hanggang 10:30 ng gabi ngayong araw.

“Makalilibre ng sakay sa MRT-3 ang mga minamahal nating guro buong araw bukas, ika-05 ng Oktubre 2019, mula alas-5:30 ng umaga hanggang alas-10:30 ng gabi!” anunsiyo ng MRT-3.

Kinakailangan lamang umano ng mga guro na magprisinta ng kanilang Professional Regulatory Commission (PRC) o kaya ay kanilang Faculty ID  sa mga station personnel sa service gate ng MRT-3 upang maka-avail ng libreng sakay.

Ang MRT-3 ang siyang nag-uugnay sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue, Quezon City via Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).

Read More