INISYUHAN ng Commission on Elections (Comelec) ng show cause order si Davao de Oro Rep. Ruwel Peter Gonzaga, kandidato sa pagka-gobernador.
Si Gonzaga ay pinagpapaliwanag tungkol sa kanyang naging komento sa mga kababaihan at kanilang private parts sa panahon ng kanilang campaign rallies.
Binanggit ng poll body sa show cause order ang pahayag ni Gonzaga sa iba’t ibang campaign stops kung saan binanggit niya ang tungkol sa pagiging bihasa ng kababaihan sa sex, at sa pribadong bahagi ng isang biyuda.
Hiniling din niya sa isang miyembro ng konseho na halikan ang isang babae sa labi at sinabing gusto niyang makipagtalik sa kanyang asawa.
Nakasaad din sa show cause order na ang mga pagbigkas at /o mga gawa ay bumubuo ng mga posibleng paglabag sa Comelec Resolution No.11116 o ang Anti-Discrimination and Fair Campaigning Guidelines para sa May 2025 National and Local Elections.
Bago ang pagpapalabas ng Comelec ng show cause order, hinimok ni Mamamayang Liberal (ML) party-list first nominee at dating senador na si Leila de Lima si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa liderato ng House of Representatives, na kumilos laban sa kanyang Partido Federal ng Pilipinas partymate na si Gonzaga.
Sinabi ni De Lima na ang mga babae ay hindi palamuti, props at hindi punchlines.
Ayon pa kay De Lima, ang mga sexist joke ni Gonzaga ay hindi nararapat– ang mga ito ay sintomas ng isang sirang kulturang pampulitika na patuloy na tinatrato ang kababaihan bilang bagay, hindi bilang pantay na mamamayan.
(JOCELYN DOMENDEN)
