PAMPANGA – Apat na aktibong sundalo ang inaresto dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kaugnay ng nationwide gun ban na kasalukuyang ipinatutupad sa ilalim ng Omnibus Election Code sa bayan ng San Simon sa lalawigan noong Martes.
Inaresto ang mga ito habang nakasibilyan at naka-off duty, ayon sa public information officer ng Police Regional Office 3 (PRO3).
Bandang alas-2:40 ng hapon, inaksyunan ng mga tauhan ng San Simon Municipal Police Station ang ulat mula sa isang concerned citizen na kinilalang si “Mark,” isang 39-anyos na driver at residente ng Barangay San Agustin.
Iniulat niya na isang silver na Toyota Innova ang kahina-hinalang sumusunod sa kanyang sasakyan sa pagitan ng San Simon, Pampanga at Valenzuela City sa nakalipas na limang araw.
Ang parehong sasakyan ay nakita rin ng mga awtoridad sa isang gasoline station, malapit sa Global Aseana Business Park 1 sa Barangay San Isidro, San Simon.
Habang papalapit sila at nagpakilala, isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at nagtangkang tumakas dahilan para barilin ng mga pulis ang gulong ng sasakyan ng mga ito.
Sa kabila nito, panandaliang nakaiwas ang mga suspek sa pagdakip ngunit kalaunan ay naharang at nahuli sa kahabaan ng Quezon Road sa Barangay San Isidro.
Tinamaan ng bala sa leeg ang isa sa mga suspek na agad na dinala sa malapit na ospital para sa medikal na atensiyon.
Nakuha mula sa mga suspek ang isang Glock 17 (9mm) pistol na may serial number AFP034202, may magazine at 2 basyo ng bala; isang Armscor RIA (Cal. 45) pistol na may serial number 037124AFP, na may magazine at 7 rounds ng bala; isang silver na Toyota Innova; apat na wallet, tatlong bag, apat na Kenwood two-way radio; Isang Nikon video camera; isang Teclast power bank; apat na lisensya sa pagmamaneho; apat na AFP ID; dalawang Glock 17 magazine na may 2 rounds ng bala; at tatlong RIA cal. 45 magazine na may kabuuang 22 rounds ng bala.
(ELOISA SILVERIO)
