1 PATAY, 3 KRITIKAL SA 3 AKSIDENTE SA CAVITE

CAVITE – Binawian ng buhay ang isang rider habang kritikal ang kalagayan sa ospital ng tatlo pang katao kabilang ang isang pulis sa nangyaring tatlong aksidente sa kalsada sa lalawigang ito.

Kinilala ang namatay na biktimang si Joemel Tubay Orlanda, 24, habang hawak na ng pulisya ang driver ng dump truck na may plakang CCN 1344, na si Mark Kevin Valenzuela, 28-anyos.

Kritikal ang kalagayan nina Pat. Teodorio Ivan Joseph, 27, nakatalaga sa Naic Police, nilalapatan ng lunas sa Tanza Specialist Hospital, habang sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital dinala ang driver ng isa pang motorsiklo na si Jandy Lumayag, 36, at Jose Regalario, 75, ng Brgy, Sabang, Naic, Cavite.

Ayon sa ulat ni P/MSgt. Rolando Figueroa ng Dasmariñas City Police Station, dakong alas-11:00 noong Lunes ng gabi nang mangyari ang insidente sa E. Aguinaldo Highway.

Minamaneho ni Orlanda ang kanyang motorsiklong Yamaha NMAX patungo sa direksiyon ng Imus proper ngunit pagsapit sa Brgy, Salitran 1 ng naturang lungsod nang bumangga ito sa likurang bahagi ng Isuzu dump truck na minamaneho ni Valenzuela na binabagtas din ang kaparehong direksiyon.

Dahil sa lakas ng pagbangga, agad na nalagutan ng hininga ang biktima sa pinangyarihan ng insidente.

Minamaneho naman ni Jayson Arsenio Arsenio, 24, delivery driver ng McDonalds, ang motorsiklong Honda at binabagtas ang kahabaan ng Governor’s Drive patungo sa direksiyon ng Trece Martires City proper dakong alas-1:45 noong Martes ng hapon ngunit pagsapit sa Brgy. Sabang ng naturang bayan nang tumawid si Regalario kaya nito nabangga.

Dahil sa matinding sugat sa ulo, nasa kritikal na kalagayan sa ospital ang biktima habang hawak na ng pulisya si Arsenio.

Minamaneho naman ni Pat. Joseph ang kanyang itim na motorsiklo habang binabagtas ang kahabaan ng Governor’s Drive Highway dakong alas-10:00 noong Lunes ng gabi ngunit pagsapit sa Brgy. San Roque, Naic, Cavite nang makasalpukan nito ang motorsiklong minamaneho ni Lumayag na binabagtas ang nasabi ring lugar subalit sa opposite lane.

Sa imbestigasyon ng pulisya, hinihinalang nakainom si Lumayag at mabilis ang kanyang pagmamaneho dahilan ng banggaan.

Kapwa isinugod ang dalawa sa ospital at kapwa nasa kritikal ang kalagayan. (SIGFRED ADSUARA)

312

Related posts

Leave a Comment