ANTIPOLO CITY, Rizal – Kinailangang isailalim sa mahigpit na granular lockdown ang isang pribadong mental health facility makaraang magpositibo sa nakamamatay na COVID-19 ang 10 sa 31 empleyado nito.
Sa anunsyong ipinaskil sa social media, mananatiling sarado sa loob ng dalawang linggo ang Villa Herzon Mental Health Center sa M. Santos St., Barangay San Roque kung saan nagkahawaan ang mga empleyado nito.
Sa 31 kataong isinailalim sa RT-PCR test, 10 ang lumabas na positibo – dahilan para agad na isarado ang nasabing pasilidad. Kasabay nito, agad din pinakilos ang mga contact tracer para matukoy ang iba pang close contacts na posibleng nahawaan din ng mga nagpositibong indibidwal.
Sa isinagawang disease investigation ng Antipolo City Health Office, pawang nakitaan ng sintomas tulad ng ubo, sipon, sakit ng lalamunan at katawan ang mga empleyado ng Villa Herzon. Hindi pa matukoy kung sino at saan unang nakuha ang nakamamatay na virus.
Ayon kay Mayor Andrea Ynares, magtatagal ng dalawang linggo ang granular lockdown habang patuloy pa nilang hinihintay ang resulta ng RT-PCR test ng iba pang empleyadong hindi kinakitaan ng sintomas.
449 