NAMUMURO sa contempt ang labing-isang social media personality at vlogger nang muli nilang ini-snub ang House Tri-Committee sa imbitasyon nitong dumalo sa pagsasagawa ng pagdinig noong nakaraang Biyernes kaugnay sa pagkalat ng mga fake news sa social media.
Kabilang sa 11 malapit nang i-contempt ng House ay sina dating communications secretary Trixie Cruz-Angeles at mga vlogger o social media influencer na sina Aeron Peña, Allan Troy ‘Sass’ Rogando Sasot, Elizabeth Joie Cruz, Dr. Ethel Pineda Garcia, Jeffrey Almendras Celiz, Krizette Laureta Chu, Lorraine Marie Tablang Badoy-Partosa, Mark Anthony Lopez, Mary Jean Quiambao Reyes at Richard Tesoro Mata.
Ayon sa House Tri-Comm na binubuo ng mga committee on public order and safety, Information and communications technology at public Information, naisyuhan na ang mga ito ng show cause order kaya kung hindi sila dadalo muli sa public hearing sa Biyernes ay maaari na silang ma-contempt.
Base sa kalakaran sa mga committee hearings, sinuman ang maiisyuhan ng contempt order dahil sa patuloy na pagbabalewala sa imbitasyon ng Kongreso ay maaaring iparesto upang mapiliting dumalo ang mga ito.
“Congress has the authority to summon individuals to testify on matters of public interest. Ignoring lawful orders is a direct challenge to our institution and the democratic principles we protect,” paliwanag ng Tri-Comm lead chair Santa Rosa, Laguna lawmaker Dan Fernandez.
Noong huling pagdinig ng komite noong Pebrero, imbes na dumalo sa pagdinig ang mga nabanggit na vlogger, naghain ang mga ito ng petition for certiorari and prohibition sa Korte Suprema.
Bukod ito sa libel case na isinampa nila laban kay Congressman Barbers dahil sa pagtawag sa kanila umano ng mambabatas bilang mga “‘narco-vlogger’.
Gayun man, hanggang ngayon ay wala pang desisyon ang Katas-taasang, Hukuman kaya muling ipinatawag ng komite ang mga nabanggit na vlogger.
Muli ding nilinaw ni Barbers na hindi pagsugpo sa freedom of expression at freedom of speech ang layon ng pagdinig kundi mapigil ang pagkalat ng mga fake news, na hindi lamang ang mga tao ang sinisira kundi ang mga institusyon.
“Contrary to what others may be thinking, this is not in any way a tool to suppress their expressions or opinions on certain issues, whether they may be political or economic or even other points of views,” ani Barbers. (PRIMITIVO MAKILING)
