MILITARY CHECKPOINT PINAPUTUKAN, 2 PATAY

MAGUINDANAO DEL SUR – Patay ang dalawang lalaki nang makipagbarilan sa mga sundalo sa kagustuhang makatakas sa mga nakabantay sa isang checkpoint sa Barangay Old Maganoy, sa bayan ng Datu Abdullah Sangki sa lalawigan noong Martes ng umaga.

Ayon kay Lt. Col. Udgie Villan, commanding officer ng 33rd Infantry Battalion, naalerto ang mga nakabantay sa Maganoy Detachment nang mamataan ang kahina-hinalang puting minivan na may plate number MAN 1169, at naobserbahang nag-aalangan na tumawid sa checkpoint.

Bago pa tumapat sa nasabing checkpoint ay pinaputukan umano ang mga sundalo ng mga armadong sakay ng minivan habang nagtatangkang tumakas, kaya gumanti ng putok ang mga sundalo.

“Nagkaroon ng engkwentro at nakita ng ating kasundaluhan sa loob ng sasakyan ng mga suspek ang isang M16 rifle at isang .45 caliber pistol na ginamit nila sa pagpapaputok sa mga nakadestino sa checkpoint”, ayon kay Lt. Col. Villan.

Agad na ipinag-utos ni Brig. Gen. Edgar L. Catu, commander ng 601st Brigade, na mas paigtingin pa ang kanilang nakalatag na checkpoints kasunod ng nasabing insidente para maiwasan ang pagpasok ng mga armadong indibidwal.

“Ang agarang pagtugon ng ating tropa ay patunay ng ating patuloy na dedikasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon, lalong-lalo na at higit isang buwan na lang ay eleksyon na”, pahayag ni Brig. Gen. Catu.

Iginiit ni Major General Donald M. Gumiran, commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, ang mahalagang papel ng mga sundalo sa mahigpit na pagpapatupad ng mga hakbang pangseguridad, partikular na ang operasyon ng mga checkpoint, sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

“Sa pamamagitan ng masinsinang pagpapatrolya at mahigpit na pagpapatupad ng mga checkpoint, sisiguraduhin nating mapipigilan ang anomang banta sa kapayapaan at maiiwasan ang anomang insidente na maaaring magdulot ng pangamba sa ating mga komunidad,” pahayag ni Maj. Gen. Gumiran. (JESSE KABEL RUIZ)

113

Related posts

Leave a Comment