TANGING ang mga kabataan na may edad 12 hanggang 17 na may comorbidity ang papayagan mabakunahan laban sa COVID-19.
Ayon kay testing czar at deputy chief implementer of the National Action Plan Against COVID-19 Secretary Vince Dizon, ang bakunang Pfizer ang ituturok sa mga ito.
“Opo, kung mayroon pong Pfizer puwede po yan pero kung wala kailangan pong maghintay. Maghintay lamang po muna,” ani Dizon.
Para naman sa ibang kabataan na gusto na ring pabakunahan ng kanilang mga magulang, ang paliwanag ni Dizon ay iaasa nila ang bagay na ito sa eksperto.
Inamin ni Dizon na kulang ang suplay ng bakuna sa bansa.
“Iyon pong mga bata eh aasa po tayo sa mga eksperto noh? Iyon po ang kailangan dyan. So ngayon, may Emergency Use Authorization (EUA) ang Food and Drug Administration (FDA) sa Pfizer
na puwede ang 12 to 17 pero dahil nga sa kulang pa ang ating bakuna.. ang mga 12 to 17 lamang na may comorbidity ang babakunahan natin,” ayon kay Dizon.
Binigyang diin nito na kailangang i-manage ng pamahalaan ang supply ng bakuna laban sa COVID-19.
“Right now hindi pa rin kaya na serbisyuhan ang lahat ng ating mga qualified na Filipino na puwedeng magpabakuna,” aniya pa rin.
Sa ulat, target ngayon ng China na bakunahan laban sa COVID-19 ang mga mag-aaral.
Ang nasabing hakbang ay dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Delta variant ng COVID-19. (CHRISTIAN DALE)
155 