13 PATAY, 7 SUGATAN SA POLICE OPS SA SULTAN KUDARAT

SULTAN KUDARAT – Umabot sa 13 katao ang namatay, kabilang ang isang pulis, habang pito ang sugatan sa isinagawang joint law enforcement operation ng PNP at military sa lalawigang ito, nitong Sabado ng umaga.

Target ng police operation ang dating barangay kapitan na si Datu Pendatun Kato Talusan na kasama sa mga napatay, kabilang ang 11 kasamahan nito, ayon kay Maguindanao Police Provincial director, Col. Donald Madamba.

Isang pulis naman ang napatay sa insidente na kinilalang si Sgt. Reynel Pido habang apat na kasamahan nito mula sa CIDG-BAR, ang nasugatan, ayon sa Maguindanao police.

Mapayapang isisilbi sana ng mga awtoridad ang bitbit nilang warrant of arrest laban kay Talusan bandang alas-3:20 ng umaga nang mangyari ang engkuwentro sa pagitan ng lawless element group at mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-BAR), katuwang ang PNP-SAF at militar sa Sitio Torres, Barangay Limbo, Sultan Kudarat, Maguindanao.

Ayon kay Madamba, papasok pa lang ang raiding team sa kanilang target ay pinaputukan na sila ng armadong mga tauhan ni Talusan.

Napag-alaman, minsan nang inambus ngunit nakaligtas ang nasabing barangay chairman noong Abril 2020.

Kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Cotabato Sanitarium Hospital ang apat na sugatang pulis.

Hindi naman nabanggit sa ulat ng Maguindanao police kung isinugod din sa ospital ang mga nasa panig ni Talusan.

Napag-alaman, may apat na kasong kinakaharap ang barangay chairman na kinabibilangan ng carnapping, robbery with homicide, double frustrated murder at illegal possession of firearms.

Habang nagkakaputukan, dumating naman ang reinforcement ng Philippine Marines at Philippine Army na tumulong sa CIDG-BAR.

Pansamantalang ipinasara ang bahagi ng Cotabato-Davao Road dahil sa insidente.

Gumamit ng dalawang V-300 armored personnel carriers ang mga awtoridad at saka pinaputukan ang mga tauhan ni Talusan.

Tinamaan din ng mga ligaw na bala ang tatlong sibilyan sa nangyaring engkwentro.

Narekober ang mga awtoridad ang samu’t saring matataas na uri ng armas, mga bala, magazine at mga pampasabog.

Nagpapatuloy pa ang pagtugis ng pulisya at militar sa armadong mga tauhan ni Talusan na nakatakas sa inilunsad na law enforcement operation. (JESSE KABEL)

 

148

Related posts

Leave a Comment