MAHIGIT isang buwan na mula nang bumagsak ang Lockheed C-130 Hercules aircraft ng Philippine Air Force (PAF) habang nagtatangkang lumapag sa Jolo Airport sa Sulu na ikinamatay ng 53 katao ay may 13 pang sakay nito ang hindi pa positibong nakikilala.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines, lubhang nahihirapan ang mga forensic at pathologist expert na kilalanin ang mga nalalabing unidentified passenger ng bumagsak na PAF cargo plane.
Inihayag ito kahapon ni AFP Spokesman Col. Ramon Zagala makaraang matukoy ang pagkakakilanlan ng tatlo pang cadaver mula sa bumagsak na eroplano.
Ayon kay Col. Zagala, base sa report ng PNP SOCO Crime Lab Region IX, nakilala ang tatlo na sina Corporal Jerome Balivado, Private Joey Loterte, at Private Kevin Damole na pawang miyembro ng Philippine Army (PA).
Sa pahayag ni Col. Zagala, sa pamamagitan ng Western Mindanao Command (WESMINCOM), nakipag-ugnayan na ito sa pamilya ng mga nasawing sundalo at inaayos na ang agarang pagbiyahe ng mga ito sa kanilang hometown.
Sa ngayon, nasa kabuuang 37 cadavers na ang natukoy, habang 13 pa ang sumasailalim sa tedious identification processes. (JESSE KABEL)
310 