14 TUMBA SA PANDEMYA SA CAMANAVA

UMABOT sa 14 katao ang namatay dahil sa COVID-19 sa Caloocan City, Malabon City at Valenzuela City noong Agosto 3 at Agosto 4.

Mula 1,128 noong Agosto 1 ay sumipa sa 1,138 noong Agosto 3 ang total COVID deaths sa Caloocan. Habang 481 ang active cases sa lungsod matapos na 64 bagong kaso ang naitala. Pumalo na sa 39,957 ang total confirmed cases sa lungsod.

Pumanhik naman sa 469 ang COVID death toll sa Malabon City noong Agosto 4 matapos na dalawang pasyente ang bawian ng buhay. Habang 70 ang nadagdag na confirmed cases. Sa kabuuan ay 14,387 ang positive cases sa Malabon, 532 dito ang active cases. Umabot naman sa 48 na pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling.

Huli namang naitalang 389 ang active COVID cases sa Navotas makaraang 11 ang nagpositibo at walo ang gumaling.  Sumampa na sa 11,658 ang total cases sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 10,887 na ang gumaling at hindi naman nadagdagan ang 382 na namatay.

Iniulat naman ng City Health Office-City Epidemiology and Surveillance Unit ng Valenzuela City na dalawa ang namatay sa COVID-19.

Habang umakyat sa 702 ang active cases sa lungsod na pinakamarami sa CAMANAVA area hanggang alas-10:00 am nitong Miyerkoles.

Ito ay makaraang 216 ang bagong nagpositibo sa virus at 37 lamang ang naitalang nakarekober.

Pumalo na sa 22,266 ang tinamaan ng COVID sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 20,997 na nakarekober at 567 ang namatay.(ALAIN AJERO)

137

Related posts

Leave a Comment