NAGPAABOT ang Armed Forces of the Philippines ng kanilang pakikidalamhati sa pagpanaw ni dating AFP Chief of Staff Lisandro Abadia.
Ayon kay AFP spokesman, Col. Ramon Zagala taos-puso ang kanilang pakikidalamhati sa pamilya ni Gen. Abadia na pinamunuan ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas mula Abril 1991 hanggang Abril 1994.
“He (Abadia) paved the way for the professionalization of the military and the return of meritocracy in its promotion system,” anang opisyal.
Pinamunuan din ni Abadia ang pagpapatupad ng Campaign Plan Lambat Bitag na naging daan para humina ang puwersa ng New People’s Army (NPA).
Ayon pa kay Zagala, inihahanda na ang ibibigay na kinauukulang military honors para kay Abadia bilang pagkilala sa kanyang legasiya bilang sundalo at pinuno ng kanilang puwersa.
Nakilala si Abadia nang pangunahan niya ang pagtatanggol sa Camp Aguinaldo nuong December 1989 coup laban sa loyalist troops at mga tagasunod ni Sen. Gringo Honasan.
Napasok na ng Marines ang kampo at nakuha ang Logistics Command camp subalit nabawi ng grupo nina General Renato de Villa, Gen. Rodolfo Biazon at Abadia. (JESSE KABEL)
602 