ISINAILALIM sa granular lockdown ang Barangay Tanza 1 at 2 sa Navotas City dahil sa mabilis na pagdami ng mga nahahawaan ng COVID-19 sa nasabing mga barangay.
Nilagdaan ni Mayor Toby Tiangco noong Agosto 2 ang Executive Order No. TMT-163 Series of 2021, nakasaad na 44 sa 174 na inilabas na test results ng Philippine Red Cross Molecular Laboratory, ang positibo sa COVID 19.
“Napilitan po tayong magpatupad ng lockdown sa Tanza 1 at Tanza 2 dahil sa mabilis na pagdami ng mga nahahawaan ng COVID-19 sa nasabing mga barangay. Sa mass testing na ating isinagawa kamakailan lang, 25% ang nagpositibo,” ani Tiangco.
“Bagaman may ECQ na sa Agosto 6, kinailangan nating mag-lockdown para mahinto ang mabilis na hawaan,” patuloy ng alkalde.
Nakasaad sa kautusan na lahat ng mga residente sa Tanza 1 at Tanza 2 ay dapat manatili sa bahay at kailangang sumailalim sa swab test ang mga residente sa lugar na mataas ang hawaan.
Sino mang magpositibo ay dadalhin agad sa Community Isolation Facility. Bibigyan din ng relief packs ang mga pamilyang apektado.
Samantala, ang mga may trabaho o negosyo (essential workers) ay papayagang lumabas hanggang Agosto 5 ngunit dapat ay hindi sila close contact ng mga COVID positive. Kailangan lamang nilang magpakita ng valid company ID, certificate of employment o business/DTI permit.
Mula naman Agosto 6 hanggang 20, makalalabas lamang kung sino ang papayagan ng IATF.
Habang umiiral ang lockdown pati na ang ECQ, ang araw ng pamamalengke o pagbili ng essentials ng Brgy. Tanza 1 ay itinakda ng Miyerkoles, Biyernes at Linggo. Sa Brgy. Tanza 2 naman ay Martes, Huwebes at Sabado. Pagsapit ng Agosto 6, mga polisiya na ng ECQ ang susundin.
Hanggang alas-6:00 ng gabi noong Agosto 2 ay sumipa na sa 386 ang active cases sa fishing capital matapos na 58 ang nagpositibo at 12 lamang gumaling.
Sa mga barangay sa lungsod, nangunguna sa bilang ng active cases ang Tanza 2, kung saan 72 ang aktibong kaso, at Tanza 1, na 60 naman ang aktibong kaso.
Pumalo na sa 11,647 ang mga tinamaan ng COVID sa Navotas, at sa nasabing bilang ay 10,879 na ang gumaling at mapalad na hindi naman nadagdagan ang 382 namatay.
“Hindi po natin gusto ang lockdown; mahirap ito para sa ating lahat. Ngunit kailangan po ito para sa ikabubuti ng bawat isa. Hinihingi po namin ang iyong lubos na suporta at kooperasyon. Pakikiisa ang tatapos sa pandemya,” pagwawakas ni Tiangco. (ALAIN AJERO)
