CAVITE – Sugatan ang isang hinihinalang holdaper habang arestado ang kasama nito makaraang makipagpalitan ng putok sa tumutugis na mga awtoridad sa Dasmariñas City nong Martes ng gabi
Nilalapatan ng lunas sa Pagamutan ng Dasmariñas City ang suspek na si alyas “Elmer”, 27, tricycle driver, ng Brgy. Sampaloc 4, Dasmariñas City, dahil sa tama ng bala mula sa awtoridad na kanyang naka-engkwentro.
Hawak na rin ng Dasmariñas Component City Police Station ang isa pang suspek na si alyas “William”, 32, landscaper, ng Brgy. Sampaloc 4, Dasmariñas City matapos na maaresto.
Ayon sa sumbong ng biktimang si Zyrel Canoy ng Brgy. Camachile 2, Dasmariñas City, hinoldap siya bandang alas-9:50 ng gabi sa Brgy. Salitran 3, Dasmariñas City ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo.
Mabilis namang nagresponde ang mga awtoridad na agad namataan ang mga suspek.
Nang lapitan ng mga ito ay nagbunot ng baril ang isa sa mga suspek at nagpaputok ngunit gumanti ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakasugat ni Elmer habang naaresto naman si William. (SIGFRED ADSUARA)
