CLICKBAIT ni JO BARLIZO
KUNG ano ang puno, siya rin ang bunga. ‘Yan daw ang ipinahihiwatig sa sitwasyon ngayon ng mag-inang Senator Loren Legarda at Batangas Representative Leandro Leviste, ayon sa netizens.
Ang isa anila ay mahilig magtanim ng puno, habang ang isa naman ay tila ebidensya ang itinatanim.
Mukhang personalan na at bumaba sa lebel ng malisyosong pag-atake ang hidwaan ng mag-inang ito kay Executive Secretary Ralph Recto. Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na matagal nang magkatunggali ang magkabilang kampo sa probinsya ng Batangas.
Nauna nang binanatan ni Leviste si Recto sa pamamagitan ng mga akusasyong tila walang sapat na ebidensya. Nanatiling tahimik si Recto hanggang sa maglabas si Leviste ng mga picture na AI-generated pala at sinabing patunay ang mga ito na malapit kay Recto ang ilang sangkot sa infrastructure budget scandal.
Hindi na nakapagpigil si Recto at tinawag na “kulang sa pansin, pag-iisip, at pagmamahal” ang anak ni Legarda.
Noon namang nag-uusap ang mga senador upang mabasag ang impasse sa Senado sa pamumuno ni Senator Alan Peter Cayetano, umugong ang usapan na hinihingi ni Legarda ang ulo ni Recto kapalit ng kanyang pagsuporta sa kabilang panig. Pero, hayun nga at hindi naman pinatulan ang naturang kondisyon.
Ngayon naman, ayon sa mga ulat, lumitaw ang plano na pagtatanim ng ebidensya laban kay Recto sa pamamagitan ng isang bugaw na maglalako ng mga babae kapalit ng panandaliang aliw.
Nabisto ito ng National Bureau of Investigation matapos ang isang entrapment operation kung saan nadakip ang isang talent manager at ang kanyang “talents.” Sa isinagawang imbestigasyon, sinabi ng talent manager na bahagi umano ng plano ang pag-frame kay Recto sa kasong human trafficking gamit ang mga babae.
Kung mapatutunayang totoo ang mga paratang, talagang nakababahala ang mga hakbang na iniuugnay kay Leviste. Lumilitaw na handa niyang gawin ang lahat upang mailagay sa alanganin ang kanyang mga kalaban, kabilang ang umano’y pagtatanim ng ebidensya at pagpapakalat ng mga maling impormasyon.
Dagdag pa rito, nagpataw ang Department of Energy ng multang nagkakahalaga ng P24 bilyon laban sa Solar Philippines, ang kumpanyang itinatag ni Leviste, dahil sa hindi nito pagtupad sa power commitments sa ilalim ng naantalang renewable energy contracts.
Kasabay nito, nakatakda ring sumailalim sa preliminary investigation ng Office of the Ombudsman ang mag-ina kaugnay ng mga reklamong may kinalaman sa umano’y paggamit ng kapangyarihan upang magkaroon ng prangkisa si Leviste at mamonopolyo ang solar power industry.
Ilang taon ang lumipas ngunit hindi naisakatuparan ang ipinangakong suplay ng kuryente mula sa solar franchise ni Leviste, dahilan upang makansela ang mga kontrata nito sa gobyerno. Nalugi na nga ang taumbayan, wala pang napala.
Hindi biro ang mga isyung kinahaharap ng mag-inang ito. Kung mapatutunayan ang mga reklamong isinampa laban sa kanila, nararapat lang na managot sila sa ilalim ng batas at magsilbing babala sa mga susunod na henerasyon ng mga politiko.
Sa dami ng hamon na kinakaharap ng ating bansa, walang puwang ang maruming pamumulitika sa ating lipunan.
206 