2 NAGBENTA NG BAKUNA, SWAK SA SELDA

ARESTADO ang dalawa katao makaraang magbenta ng COVID-19 vaccines sa Pasay City noong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ni Pasay City chief of police, P/Col. Cesar Paday-os ang mga suspek na sina Michelle Parajes at Angelo Bonganay.

Ayon sa ulat ng pulisya, nagkasa ng entrapment operation dakong alas-6:00 gabi noong Martes ang mga operatiba ng Investigation Division Management Section na pinangungunahan ni P/Lt. Dennis D. Desalisa, laban sa mga suspek sa loob ng isang fast food restaurant sa Roxas Blvd., Brgy. 76, Zone 10, Pasay City.

Nag-ugat ang operasyon ng IDMS laban sa mga suspek nang isang Dayrelle Esteban ang nagsumbong sa pulisya na isa sa mga suspek ang gumagamit ng kanyang identity bilang nurse sa pagbebenta ng mga bakuna na AstraZeneca, Sinovac at Pfizer sa napakamurang halaga sa pamamagitan ng social media.

Nagpanggap na buyer ang complainant at nakipagtransaksyon sa mga suspek na agad humingi ng paunang bayad na P50,000 para sa 56 vials ng bakuna na nagkakahalaga ng P120,000.

Nang makumpirmang ginagamit ng mga suspek ang kanyang identity ay nagsumbong si Esteban sa pulisya hinggil sa insidente kaya ikinasa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawa.

Nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 10175 (Cybercrime Prevention Act, Chapter II, Par 3, Computer-related Identity Theft), at Art. 315 ng RPC (estafa/swindling) ang mga suspek na nasa kustodiya na ng Pasay City Police Station. (DAVE MEDINA)

88

Related posts

Leave a Comment