NORTH COTABATO – Patay ang dalawang mataas na lider ng Guerilla Front 53 ng New People’s Army (NPA) sa isinagawang combat operation ng 72nd Infantry Battalion ng Philippine Army sa Purok 3, Brgy. Malire, sa bayan ng Antipas sa lalawigang ito.
Ayon kay 72nd IB Commanding Officer Lt. Col. Rey Alvarado, habang nagpapatrolya ang mga tropa ng militar sa nabanggit na lugar ay nakasagupa ng mga ito ang mahigit 30 miyembro ng teroristang grupo.
Tumagal ng halos 30-minuto ang palitan ng putok ng magkabilang panig na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang NPA top official.
Kinilala ng militar ang dalawang namatay na sina alyas “James” na taga-Paquibato District, Calinan, Davao City, at alyas Nimno, taga-Davao Del Sur, parehong squad leader ng nasabing communist terrorist group.
Ayon kay Alvarado, Bukod sa dalawang napatay, posibleng lima pang kasamahan ng mga ito ang nasugatan sa engkwentro, alas-10:00 ng umaga.
Nabatid na isinagawa ng militar ang naturang operasyon matapos na mag-tip ang mga sibilyan sa lugar na ilang araw nang nananatili sa kanilang komunidad ang mga rebelde.
Nakuha sa sa pinangyarihan ng insidente ang iba’t ibang armas, medical paraphernalia at subersibong mga dokumento.
Sinabi naman ni Alvarado na walang nasugatan sa hanay ng mga sundalo.
Nasa punerarya pa ang bangkay ng dalawang napatay na NPA officials at hindi pa tukoy ng militar ang pagkakakinlalan ng mga ito. (BONG PAULO)
