2 WANTED SA MURDER ARESTADO SA PNP-PRO5

“TRUTH is always self-evident,” pahayag ni PNP-PRO 5 Regional Director Jonnel C. Estomo nang madakip ng kanyang mga tauhan ang isang most wanted person sa kasong murder sa Masbate City.

Ang suspek na si Antonio Albao Montilla, residente ng Barangay Balete, Aroroy, Masbate, ay inaresto sa ikinasang law enforcement operation sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder, na inisyu ni Presiding Judge Teofilo B. Tambago, ng RTC Branch 45, Fifth Judicial Region, Masbate City. Walang inirekomendang pyansa ang korte para sa nasabing kaso ng suspek.

Ayon kay Estomo, bandang alas-4:00 ng hapon noong Linggo nang ilunsad ang manhunt operation ng mga tauhan ng PRO5 Beleno Municipal Police Station (lead unit) na nagresulta sa pagkadakip sa nasabing suspek.

Samantala, isa ring murder suspect ang nadakip ng mga tauhan ng PNP-PRO5 sa Daraga, Albay noong Linggo.

Kinilala ni PNP-PRO5 P/BGen. Estomo ang suspek na si Richard Tayam Dayta, isang rebel returnee.

Ayon sa ulat, sinalakay ng mga tauhan ng PRO5 RMFB5 (lead unit), katuwang ang 1st PMFC, 31st IB Philippine Army, 96th MICO at TOGS Philippine Air Force, sa pakikipag-ugnayan sa Daraga MPS, sa pangunguna ni P/Col. Clarence C. Gomeyac, RMFB5, ang pinagtataguan ng suspek na nagresulta sa pagkakadakip kay Dayta.

Napag-alamam, bagama’t kusang-loob nang nagbalik-loob sa gobyerno ay nanatiling may ugnayan ang suspek sa kanyang mga dating kasamahan at sumusuporta pa rin sa kilusan.

Ang suspek ay kasapi ng Larangan 1, Komite Probinsya 3 sa area ng Bacon, Sorsogon, at naninirahan sa Brgy. San Juan, Bacon, Sorsogon City.

Ang suspek ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder, na inisyu ni Presiding Judge Rofebar F. Gerona, ng RTC Branch 53, Fifth Judicial Region, Sorsogon City.

Si Dayta ay pangunahing responsable sa pagpatay sa isang Johnny Curiba Bombase ng Brgy. San Juan, Bacon District, Sorsogon City, noong Enero 17, 2021. (JESSE KABEL)

131

Related posts

Leave a Comment