MAAARING gamitin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2021 national budget para masiguro ang panalo ng kanyang babasbasang kandidato sa 2022 presidential election.
Ito ang pinangangambahan ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas matapos palawigin ni Duterte ng isa pang taon ang National State of Emergency dahil sa COVID-19.
“Kahit walang emergency powers o pagsang-ayon ng Kongreso, pwede nang galawin ng pangulo ang pondong nakalaan sa mga proyekto sa susunod na taon dahil may state of calamity at dahil sapat itong batayan sa ilalim ng bagong depinisyon ng savings,” ani Brosas.
Sa Proclamation No. 1021 na inilabas ni Pangulong Duterte noong Setyembre 16, pinalawig ang national state of emergency hanggang Seytembre 12, 2021 dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.
Unang isinailalim ni Duterte ang buong bansa sa National state of emergency noong Marso 2020 hanggang ngayong Setyembre nang magkaroon ng pandemya sa COVID-19.
Ayon kay Brosas, nagkaroon ng dahilan si Duterte na pakialaman at baguhin ang anomang aaprubahang pondo ng dalawang Kapulungan ng Kongreso para sa susunod na taon para masiguro ang panalo ng kanyang babasbasang kandidato.
“This alarmingly centralizes budget powers in the hands of the chief executive on the eve of the 2022 elections and amid widespread wrangling over pork allocations. Kaya dapat kwestiyunin ang napakahabang state of calamity extension at ang bagong depenisyon ng savings,” ayon pa sa mambabatas.
Ang national budget bago ang eleksyon ay karaniwang itinuturing na election budget dahil dito manggagaling ang pondo na magpapabango sa mga incumbent elected official.
“Masamang senyales ito. Itinatakda mismo ni Duterte na magiging kalamidad sa kabuhayan at karapatan ng mamamayan ang mga susunod na buwan hanggang Sept. 2021,” ayon pa kay Brosas. (BERNARD TAGUINOD)
